Payo kay Pacman: Kailangang mag-aral mabuti para hindi mapahiya sa Senado

MANNY PACQUIAO

MANNY PACQUIAO

ILANG araw pa mula ngayon ay Senator Manny Pacquiao na ang itatawag natin sa Pambansang Kamao.

May titulo na siya sa mundo ng boksing ay pinalad pa siyang manalong senador sa nakaraang eleksiyon.

Maraming nagsasabi na malaking sampal ang kanyang pagwawagi para sa mga miyembro ng LGBT na kailan lang ay talaga namang inupakan nang wagas na wagas si Pacman dahil sa kanyang ipinahayag na hindi nagustuhan ng mga kababayan nating becki at lesbiyana.

Pero nagsalita na ang ating mga kababayan, nagbigay na ng paghusga ang mayorya, pormalidad na lang ang kailangan para itaas ang kamay ng nanalong senador.

At sa kanyang pagwawagi ay maraming kailangang baguhin si Pacman, madalas pansinin ng ating mga kababayan ang hindi niya palaging pagdalo sa Congress may laban man siya o wala, sa Senado ay hindi niya maaaring gawin ang ganu’n dahil nakatutok ang maraming mata sa kanya.

May mga suhestiyon din na kailangang mag-aral nang husto ni Pacman, kailangang tutukan niyang mabuti ang mga pinaiiral na batas sa ating bayan, dahil ang Senado ay hindi labanan ng bangis ng kamao kundi ng kaalaman.

Maganda ang puso ni Manny Pacquiao, napatunayan na niya ‘yun nang maraming beses, malapit ang kanyang puso sa maliliit nating kababayan dahil siya na rin ang nagsabing nagmula rin siya sa hanay ng maliliit.

Malaki ang inaasahan kay Pacman ng ating mga kababayan, lalo na ang mga nagtataka pa rin hanggang ngayon kung bakit at paano siya nanalo, kaya kailangan niyang patunayan na hindi lang siya pang-sports kundi pangpulitika rin.

Senador Manny Pacquiao! May rhyme!

Read more...