Oklahoma City Thunder pinatid ang San Antonio Spurs sa Game 5

SAN ANTONIO — Kinapos si Oklahoma City guard Russell Westbrook ng isang assist para magtala ng triple double para pamunuan ang Thunder sa come-from-behind 95-91 panalo kontra San Antonio Spurs tungo sa paghablot ng 3-2 lead sa kanilang NBA Western Conference semifinal series.

Gumawa si Westbrook ng 35 puntos, 11 rebounds at siyam na assists para pangunahan ang kanyang koponan sa impresibong road victory na nangangahulugan na maaaring tapusin na nila ang serye sa kanilang homecourt bukas.

“Russ was a maniac tonight, keeping us in it,” sabi ni Oklahoma City forward Kevin Durant.

Si Durant ay nagdagdag ng 23 puntos para sa Thunder na nagwagi sa ikalawang pagkakataon sa San Antonio sa kanilang serye. Ang Spurs ay natalo lamang ng isang beses sa regular season sa kanilang home floor.

Nagawang makabangon ng Spurs mula sa 3-2 deficit ng isang beses sa playoffs kung saan nagawa nilang magwagi sa huling dalawang laro noong 2008 para talunin ang dating New Orleans Hornets.

“I hope we respond a little angry with a chip on our shoulder,” sabi ni Spurs guard Danny Green. “If you want to be a championship team you have to win on the road. Simple as that.”

May ilang tawag ng mga referee na hindi pumabor sa Spurs sa mga huling minuto ng laro subalit siniguro naman ni Westbrook na sila ang mananalo sa laban.

Sinelyuhan ni Westbrook ang kanilang pagwawagi sa pamamagitan ng three-point play may 6.3 segundo ang nalalabi sa laro kung saan nalusutan niya si Kawhi Leonard para makaiskor sa kanyang driving layup at ma-foul ni LaMarcus Aldridge. Sinabi ni Leonard na na-foul na niya agad si Westbrook subalit nagtuluy-tuloy ang atake nito patungo sa rim.

“He got away, attacked the rim and got an and-one,” sabi ni Spurs guard Manu Ginobili. “Very tough outcome. I didn’t watch the replay. I don’t know how emphatic the foul was, but it’s not the point. We should have arrived to that point in a better situation. For most of the game we were up. We had couple of opportunities to get a good lead. They made some tough shots and we couldn’t capitalize.”

Samantala, si Golden State Warriors guard Stephen Curry ang naging kauna-unahang unanimous winner ng NBA Most Valuable Player award matapos na pormal na ibigay sa kanya ang parangal kahapon.
Si Curry, na naging ika-11th player sa kasaysayan ng liga na binotong MVP sa magkasunod na season, ay nakatanggap ng 1,310 puntos mula sa 130 media voters.

Read more...