Panalo ni Duterte, itinadhana

TALAGA yata na ang pagiging pangulo ng bansa ay itinatakda ng tadhana.

Noong una ay hindi inaasahan ang panalo ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte. Kumbaga sa karera, rumemate siya, mula sa likod ay naungusan niya ang lahat ng nasa kanyang unahan at nakarating sa finish line.

Hindi ito ‘yung unang pagkakataon na nangyari ito.

Malayo pa ang 2010 presidential elections ay lumutang na ang pangalan ng mga pulitiko na maaaring maging pangulo ng bansa.

Sino bang mag-aakala na ang pagkamatay ng EDSA 1 icon na si dating Pangulong Cory Aquino ay bubura sa pangarap ng mga nagdeklara na tatakbo sa pagkapangulo noon?

Si PNoy ang nanalo tatlong taon matapos niyang maupo sa Senado (nanalo siya noong 2007).

Pero sa dulo ng administrasyon ni PNoy ay hindi nagawa ang lahat na mangyari ng tao. Marami ang nagsasabi na naging makupad ang gobyerno bagamat malinis ang Pangulo.

At ngayon heto tayo, nakahanap ng isang tao na sa palagay natin ay magiging mabilis sa pag-aksyon sa mga problema natin.

Tapos na ang halalan, tapos na ang sakitan. At sa Hulyo 1 ay mayroon na tayong bagong pangulo.

Matapos na magiba ang imahe ni Vice President Jejomar Binay na itinali sa alegasyon ng korupsyon, at mapababa ang rating ni Sen. Grace Poe na hindi tinantanan ng isyu ng kanyang citizenship sa kabila ng kanyang height at itsura, heto tayo at susubukan ang isang taga-Davao City na gawin sa buong bansa ang kanyang nagawa sa kanyang exhibit A.

Nawa’y makiisa ang lahat para sa pamumuno ni President Digong para magawa niya ang kanyang nagawa sa Davao City.

Sana ay tama ang sapantahan ng marami na magagawa ni President Digong ang pagkabigo ni PNoy sa Mindanao.

Ang interesante ay kung ano ang magiging trato ng Senado sa ating bagong Pangulo. Karamihan kasi ng mga naroon ay kung hindi taga-Roxas camp ay nasa kampo ng Partido Galing at Puso.

Masaya ang mga Board of Election Inspector dahil hindi na sila napaos sa kasisigaw sa pagbibilang ng boto gaya dati—salamat sa Vote Counting Machines.

Pero ang inaakala nila na makakauwi kaagad ay hindi naman nangyari. Inabot din sila ng umaga dahil ayaw mag-transmit ng resulta ng halalan sa kanilang cluster (tawag sa pinagsama-samang presinto).

Alas-5 ng hapon ay isinara na ang botohan, pero alas-11 na ng gabi ay marami pang cluster ang hindi nakakapag-transmit ng resulta.

Ang mga nakapag-transmit naman ay nakapila na naghihintay sa mga sasakyan ng city hall o munisipyo na siyang susundo sa kanila at pagsasakyan ng mga malalaking ballot boxes.

Sino daw ba ang dapat na sisihin, ang makupad na signal ng mga telecommunication companies o ang system na tumatanggap ng resulta?

Read more...