PORTLAND, Oregon — Nagbalik sa paglalaro si Stephen Curry mula sa sprained right knee at umiskor ng 40 puntos kabilang ang NBA-record 17 points sa overtime para itulak ang Golden State Warriors sa 132-125 panalo kontra Portland Trail Blazers sa Game Four ng kanilang second-round NBA Playoffs series kahapon.
Lamang na ng 3-1 ang Warriors sa serye. Umabot din sa overtime ang isa pang Game Four kahapon.
Binuhat ni Dwyane Wade sa 94-87 pagwawagi ang Miami Heat sa overtime kontra Toronto Raptors para itabla ang kanilang serye sa 2-all.
Nakitaan ng kaunting “kalawang” si Curry sa unang tatlong quarters ng laro kung saan naghahabol ang Warriors. Pero nang makuha na niya ang kanyang “range” ay umarangkada na rin ang opensa ng Golden State
Lumamang ng 16 puntos sa laro ang Blazers pero nakahirit ng overtime ang Warriors kahit pa nawala sa kanila si point guard Shaun Livingston na natawagan ng dalawang technical fouls at na-eject mula sa laro.
Ang unang plano ng Warriors ay paglaruin lamang ng 25 puntos si Curry ngunit sa pagkawala ni Livingston ay napilitan ang coaching staff na ibabad sa laro ang Most Valuable Player ng liga.
Ang Game Five ay itinakda bukas sa homecourt ng Golden State.Si Damian Lillard ay may 36 puntos at 10 assists para sa Portland. Sa Miami, si Wade ay umiskor ng 30 puntos kabilang ang basket na naghatid sa laro sa overtime.
Sa overtime, naka-kumpleto si Goran Dragic ng three-point play, may 22.4 segundo na lang ang natitira para bigyan ang Heat ng 92-87 lead. Tinapos ni Dragic ang laro na may 15 puntos na tinapatan din ng kakampi niyang si Joe Johnson. Ang Game 5 ay sa Toronto bukas.
Sina Terrence Ross at Cory Joseph ay kapwa umiskor ng 14 para sa Toronto.