SINABI ng Commission on Elections (Comelec) na mahalaga ang tinatayang 400,000 boto mula sa Overseas Absentee Voting (OAV) para madetermina kung sino talaga kina Camarines Sur Rep. Leni Robredo at Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang mananalo bilang bise presidente.
Idinagdag ni Comelec spokesperson James Jimenez napakahalaga ng mga overeas votes para sa dalawang kandidato sa harap naman ng dikitang laban.
“It is important because we are looking at more than 400,000 votes from overseas and the leads from the candidates from each other [are] very small. Malinaw na malinaw na relevant ang bilang from overseas,” sabi ni Jimenez.
Ganap na ala-1:30 ng hapon umabot sa mahigit 180,000 boto ang lamang ni Robredo kay Marcos kung saan tinatayang 91.52 porsiyento na ang pumasok na boto sa buong bansa.
Ayon pa kay Jimenez, kabilang sa mga certificates of canvass na natanggap na ng Comelec ay mula Agaña, Malaysia, Yangon, Vatican City, at Prague.
“Tapos na yung panahon na ini-ignore yung overseas vote[s]. Tapos na rin yung panahon na isinasantabi siya as a force in the politics of our nation. It is a very good development because overseas Filipinos do need the support of our government,” dagdag ni Jimenez.
Sinabi pa ni Jimenez na inaasahan na matatanggap na ang lahat ng election returns kahapon.