HINDI napigilan ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang mapahagulgol sa harap ng puntod ng mga magulang nang bisitahin niya ito alas-3 ng madaling araw Martes, matapos ang napipintong landslide victory sa pampanguluhan.
Matapos ang dalawang oras na panayam sa sect leader na si Pastor Apollo Quiboloy sa show ng huli, nagtungo agad si Duterte sa Davao public cemetery para dalawin ang puntod ng mga magulang.
Sa harap ng puntod ng inang si Soledad, napahagulgol ang alkalde habang hinihingi nito ang tulong at gabay ng magulang ngayong siya na ang susunod na magiging pangulo ng bansa.
Pagkatapos nito ay tinungo ni Duterte ang puntod naman ng ama at hinalikan ito.
Ang ama ni Duterte na si Vicente ay dating gobernador nang Davao del Sur, habang guro naman ang kanyang ina.