KAKAKBUKAS pa lang ng presinto sa Xavier School sa Bgy. Greenhills, San Juan nang bumoto si Ms. Susan Roces kahapon.
Gaya ng mga nakaraang eleksyon, nasesenti pa rin ang Queen of Philippine Movies dahil naaalala niya ang namayapang asawang si Da King Fernando Poe, Jr. lalo na ngayong kumakandidato ang kanilang anak na si Sen. Grace Poe sa pagkapangulo.
“Una sa lahat, ang anak (Grace) ko ‘yon ang nagsilbing inspirasyon para siya ay tumakbo, ang alaala ng kanyang ama. ‘Pagka ganitong pumupunta sa presinto para bumoto, siyempre naalala ko dati-rati sabay kami,” sey ni Susan sa isang panayam.
Panalangin ni Susan, anuman ang maging resulta ng eleksyon ay siyang makakabuti sa bayan.
“Well, ang panalangin ko—kaya madalas ko ng sinasabi—kung anong makabubuti sa ating bayan. ‘Yan sana ang magwagi. Whatever the outcome,” sabi ng biyuda ni FPJ. Ganu’n pa man, masaya si Susan na tapos na ang kampanyahan at makakasama na niyang matagal ang anak na si Grace.
“Aba, e, natural kasi ‘yon lang naman ang kaligayahan ko. Bilang isang senior citizen, I look forward to each day na makasama ko ang mga mahal ko sa buhay,” sabi ng Reyna ng Pelikulang Pilipino.
Pero bago siya bumoto ay dumaan muna si Grace sa puntod ng kanyang amang si FPJ sa Manila North Cemetery para magpasalamat. “Dahil naman talaga sa kanya ito, e. Hindi naman ako makikilala ng ating mga kababayan kung hindi dahil sa kanya. Kaya nga hinahandog ko rin ito sa kanya,” ani Grace sa isang interview.
Dagdag pa ng senadora, “Para sa akin, ang pinakamahalaga sa kampanyang ito, unang-una, nagpakita tayo kung ano yung ating mga plataporma para makatulong sa ating mga kababayan, lalo na yung mga mahihirap, mga naapi.
“Pangalawa, na naging maayos ang pagpapatakbo sa ating sarili, hindi ko winala ang aking sarili at ang aking paninindigan para sa kampanyang ito. At pangtalo, sa tingin ko, e, nakita ko rin na kaya ko rin pala ang lahat ng mga hamon na ito,” aniy pa.