Daniel, Kathryn lagot sa Comelec; nagpakuha hawak ang balota

Ch_InIRUUAAHiNK
KUMALAT sa social media ang mga larawan nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla habang hawak ang kani-kanilang balota.
Pinaniniwalaang kuha ito ng ilang news reporter nang bumoto ang magka-loveteam at ipinost sa Instagram at Twitter. Ilang minuto lang matapos i-upload ang nasabing mga litrato, sandamakmak na ang nagkomento tungkol dito.
Marami ang nagsabi na dapat daw kasuhan ang dalawang Kapamilya stars dahil isang malinaw na violation daw ito sa mga pinaiiral na rules and regulation ng Commission on Elections.
Ilang netizens din ang nag-post ng kanilang mensahe sa Instagram at Twitter na nagsasabing kailangang imbestigahan agad ito ng Comelec para maaksiyunan agad.  Baka raw kasi porket kilalang mga artista ang dalawa ay balewalain na lang ito ng mga kinauukulan.
Ipinagbabawal ang sinumang botante na piktyuran ang kanilang mga balota “to protect the sanctity and secrecy of the ballot.”
Bukod dito, ipinagbabawal din ang magdala ng kahit anong uri ng campaign materials sa loob ng mga polling precinct, kabilang na riyan ang pagsusuot ng ballers at t-shirt na may litrato o pangalan ng mga kandidato.
Ayon sa ulat, hindi naman daw sina Kathryn at Daniel ang nag-post ng kanilang mga litrato sa social media kaya hindi pa malinaw kung may nagawa ngang election offense ang dalawa.
Habang sinusulat namin ang balitang ito, wala pang official statement na inilalabas ang kampo nina Daniel at Kathryn. Nagpadala na rin kami ng text message sa Star Magic para kumpirmahin kung sina Daniel at Kathryn nga ang nasa viral photo at kung meron na silang opisyal na pahayag tungkol dito pero wala pa raw silang masasabi about this.
Nag-tweet naman ang spokesperson ng Comelec na si James Jimenez tungkol dito, aniya, “Kathryn and Daniel and i need to talk #PiliPinas!”
Ipinagtanggol naman ng ilang KathNiel fans sina DJ at Kathryn, ayon sa mga ito,bago husgahan ang dalawa, alamin muna ang punu’t dulo ng kuwento. Unfair naman daw kung magkokomento agad ang madlang pipol base lamang sa isang larawan.

Read more...