NASAWI ang isang konsehal na muling tumatakbo para sa parehong puwesto habang sugatan ang kanyang security aide nang pagbabarilin ng mga di pa kilalang salarin sa Tanauan City, Batangas, Biyernes ng gabi.
Ikinasawi ni Councilor Epimaco Magpantay ang mga tama ng bala sa iba-ibang bahagi ng katawan, sabi ni Insp. Mary Anne Torres, tagapagsalita ng Batangas provincial police.
Ang 64-anyos na si Magpantay ay muling tumatakbo sa pagka-konsehal ng Tanuan sa ilalim ng Liberal Party.
Nagtamo rin ng mga tama ng bala ang security aide niyang si Joel Garcia, 42, at ngayo’y nagpapagaling sa ospital, ani Torres.
Naganap ang insidente dakong alas-7:15, habang dumadalo si Magpantay sa isang pulong kasama ang mga tricycle driver sa Brgy. Darasa.
Lumapit ang isang lalaking naka-itim na black jacket, maong pants, at puting helmet, biglang pinagbabaril sina Magpantay at Garcia, at mabilis na tumakas lulan ng motorsiklong minaneho ng isa pang lalaki, ani Torres.
Dinala sina Magpantay at Garcia sa Daniel Mercado Medical Center para malunasan, pero idineklarang patay ng mga doktor ang konsehal, aniya.
Nakatagpo ang mga rumespondeng pulis ng anim na basyo ng di pa matukoy na uri ng baril sa crime scene.
Inaalam pa ng mga imbestigador ang pagkakakilanlan at motibo ng mga salarin, na namataang tumakas patungo sa direksyon ng bayan ng Malvar, ani Torres.
READ NEXT
Pangarap na maging sundalo
MOST READ
LATEST STORIES