Regular na trabaho binawasan ng oras

MAGANDANG araw po sa Aksyon Line. Ang asawa ko po ay nagtatrabaho sa isang trucking company dito sa aming lugar sa Navotas. Siya po ay isang regular employee bilang driver sa truck ng kanilang kumpanya. Pero nagulat na lamang siya nang biglang binawasan ang oras ng kanyang pagtatrabaho ng apat na oras sa hindi malaman na dahilan. Nagulat na lamang ang asawa ko kung bakit nangyari ito sa kanya gayung hindi naman siya laging late at pala-absent sa trabaho. Ang isa pa po na problema ay ayaw nang ibigay ang kanyang sweldo at ibibigay lang daw kung gagawa siya ng resignation letter.

Tanong ko lang kung kung tama na mag-file na siya ng resignation para makuha ang sweldo o kasuhan na lang namin sa Labor sa hindi makatwiran na ginagawa sa asawa ko? Pwede po bang mag-file ng kaso kahit nasa trabaho pa rin siya? Hindi kaya siya mapag-initan ng amo niya? Nalilito na po kami kung ano ang dapat gawin. Sana ay matulungan ninyo kami sa aming katanungan para malaman po namin kung ano ang dapat namin na gawin.

Ella Alanzalon
Brgy. San Roque, Navotas City
REPLY: Dear Ms. Ella Alanzalon:

Magandang araw po.

May ilang bagay po akong hindi maunawaan sa inyong query. Kung regular na trabahador po ang inyong asawa, bakit siya binawasan ng walong oras? Per biyahe po ba o per oras ang suwelde ng inyong asawa?

Kung regular po kasi ang isang trabahador, hindi dapat na binabawasan ng kompanya ang kanyang oras ng pagtatrabaho.

Hindi po tama na sapilitang ipa-resign ang inyong asawa sa trabaho o kaya ay i-hold ang kanyang suweldo. Kung magre-resign po ang inyong asawa, wala siyang matatanggap na separation pay.

Bagama’t hindi ninyo po nasabi kung ilang taon nang nagtatrabaho ang inyong asawa sa trucking company, ang isang worker na nag-resign ay hindi makakatanggap ng separation dahil sa pagputol niya sa relasyon sa kanyang kompanya.

Maaari po kayong mag-file ng reklamo sa DOLE field Office na malapit sa inyo. Maaari po kayong pumunta sa 5/F Araneta Square Center , Monumento Circle, Caloocan City o tumawag sa 362-3187 o sa 323-7466 para sa karagdagang impormasyon.
Sana ay nakatulong po ito sa inyo.

May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maaari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jbilog@bandera.ph, jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog97@ gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.

Read more...