HUMINGI na ng tawad si Superstar Nora Aunor sa ABS-CBN at kay Charo Santos sa mga nagawa at nasabi niyang hindi maganda noon laban sa network.
Pagkatapos ng mahigit 13 years, balik-ABS-CBN nga si Ate Guy – mapapanood na ngayong Sabado ng gabi ang ikaapat na episode niya sa Maaalala Mo Kaya na magsisilbi ring Mother’s Day presentation ng longest-running drama anthology sa bansa.
“Alam niyo po matagal na matagal ko na pong pinangarap na makalabas muli sa MMK. Dahil pagkatapos ng napakatagal na panahon na hindi ako nakalabas, unang-una sa dos, lalong lalo na ang MMK. Talagang pinangarap ko na makabalik ulit sa Dos,” pahayag ni Ate Guy sa ibinigay na presscon sa kanya ng Star Creatives para sa nasabing MMK episode.
Dugtong ng Superstar, “Dahil noong araw, nagpunta na ako dito. Kung ano man ang pagkakamali ko, sa mga boss natin, ito ay ihiningi ko ng tawad at hindi ko ikinahihiya. Kung nagkamali ako, kailangan humingi ako ng tawad sa kung sino ang namumuno.”
Medyo naging emosyonal na ang award-winning veteran actress nang banggitin niya ang paghingi niya ng sorry kay Charo Santos, “Alam ko na may mga sinabi ako ng hindi maganda kay Ma’am Charo at Ms. Malou (Santos ng Star Cinema). Siguro dahil sa nagtampo rin ako. Pero malaki ang naging kasalanan ko kasi madaldal ako eh. Hindi ko ikinatatakot ‘yun at inaamin ko kaya kailangan kong humingi ng tawad.”
Kung matatandaan nagpa-interview noon si Ate Guy at inireklamo ang naging kontrata niya sa ABS-CBN ilang taon na ang nakararaan, partikular na noong gawin niya ang teleseryeng Bituin.
“At buong pasasalamat ko at napakasaya ko ngayon na parang pinatawad narin ako kaya maraming salamat. Ang makalabas lang sa MMK masayang-masaya na ako,” chika pa ng aktres.
Ibig bang sabihin nito, tuluy-tulyo na ang pagbabalik niya sa Dos? “Tignan natin kung ano ang ibibigay ng ABS-CBN. Open lang ako sa lahat.”
Tuloy na rin daw ang pagpunta niya uli sa Amerika sa darating na July para sa kanyang throat operation.
“Ang operasyon sandali lang, ang pagpapagaling at tsaka kasi kailangan ko magkaroon ako ng kakanta ulit na eensayuhin ko ang sarili ko sa pagkanta. Gusto ko ngayong taon na ito. Kasi madalas ko narin sabihin ‘yan pero hindi natutuloy. Gusto kong matuloy this time ang pangako ko sa sarili ko,” paliwanag pa ng Superstar.