Golden State Warriors nakuha ang 2-0 semifinals lead

PINATUNAYAN ng defending champion Golden State Warriors na kaya nilang makabangon buhat sa malaking kalamangan kahit wala si Stephen Curry.

Umiskor si Klay Thompson ng 27 puntos at ibinigay sa Golden State ang kauna-unahan nitong kalamangan sa laro mula sa kanyang 3-pointer may 5:33 ang nalalabi sa laro para tulungan ang Warriors na tambakan ang Portland Trail Blazers, 110-99, kahapon para kunin ang 2-0 lead sa kanilang NBA Playoffs Western Conference semifinal series.

Naging mas mahigpit naman ang laban sa Toronto kung saan kumamada si Goran Dragic ng 26 puntos habang ginawa ni Dwyane Wade ang pito sa kanyang 24 puntos sa overtime para pangunahan ang Miami Heat sa panalo kontra Raptors, 102-96, sa Game 1 ng kanilang Eastern Conference semifinal series.

Bumitaw si Kyle Lowry ng malayong 3-pointer mula sa kanilang halfcourt line para isara ang anim na puntos na paghahabol ng Toronto sa huling 20 segundo ng regulation subalit hindi naman nakaporma ang Raptors sa extra session. Hindi nakaiskor ang Toronto sa unang 3:46 ng overtime bago nakapagbuslo si DeMar DeRozan ng jumper.

Ang mga dunk nina DeMarre Carroll at Jonas Valanciunas ay nagpalapit sa iskor sa 99-96 may 10 segundo sa laro. Nakuha ng Toronto ang bola matapos ang turnover ng Miami sa inbounds play subalit naagawan ni Wade ng bola si DeRozan at sinelyuhan ang kanilang panalo sa pamamagitan ng three-point play.

Iho-host muli ng Raptors ang Heat bukas habang ang Warriors ay dadayo ng Portland ngayong Linggo.

Posible namang makapaglaro si Curry kung magaling na ang kanyang kanang tuhod buhat sa sprain.

Sa pagkawala ni Curry, sina Thompson at Draymond Green, na nag-ambag ng 17 puntos, 14 rebounds, pitong assists at apat na blocked shots, ay muling nagtulungan para bigyan ang Golden State ng panalo.

Si Damian Lillard ay nagtala ng 25 puntos at anim na assists habang si CJ McCollum ay nagdagdag ng 22 puntos para sa Portland na tumira ng 13 3-pointers.

Read more...