ILANG araw mula ngayon ay botohan na.
Huling mga araw na ng pangangampanya ng mga kandidatong tumatakbo sa national at local position at malapit na ang paghuhusga sa kanila ng taumbayan.
At gaya ng ibang eleksiyon, mas marami ang magiging luhaan sa halalan kaysa sa mga magbubunyi.
Ang mga masuwerte ay ang mga walang kalaban, walang kaba at nagagawang tumulong sa ibang kandidato na mabigat ang hinaharap na laban.
Hindi maitatanggi na ang social media ang isa sa ginamit nang husto ng mga politiko ngayong eleksiyon para magpakalat ng mga impormasyon pabor sa kanila at maling impormasyon sa kanilang katunggali.
At isa sa mga nauso ang paggamit ng mga fake account o mga trolls.
Marami sa mga troll accounts ang ginagamit upang banatan ang mga nagpapahayag ng suporta sa mga kalaban.
Kinukuyog ng mga ito ang mga nagpapahayag ng kritisismo sa mga nagbabayad sa kanila at pinuputakte naman ng puri ang nagbabayad sa kanila.
Ang isang tao ay maaaring gumawa ng maraming mga account at lahat ng ito ay kanyang gagamitin sa pag-atake at pagpuri.
Gaano man karami at kalehitimo ang banat ng mga troll, ang tiyak ay hindi sila makakaboto sa Mayo 9. Hanggang propaganda lamang sila.
Sa Lunes ay magiging pantay-pantay na naman ang mga mayayaman at mahihirap.
Marami ka mang pera o butas ang iyong bulsa, pare-pareho tayo na iisa lamang ang boto. Pare-parehas tayo na mamimili ng ating nais na mamuno.
Sana lang ay mapili ng mas marami ang talagang makapagbibigay sa ating bansa ng totoong reporma. Yung hindi lamang ang kanilang sarili ang iniintindi kaya gustong maluklok sa puwesto.
Malalaman pa kaya ng publiko ang laman ng bank account ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte?
Hindi kasi nagkasundo sina Sen. Antonio Trillanes at ang abogado ni Duterte na si Salvador Panelo kaugnay ng pagbubukas ng bank account ng alkalde sa Bank of the Philippine Island Julia Vargas branch.
May dalang affidavit si Trillanes at gaya ng nais ni Duterte ay pinangalanan niya kung saan niya nakuha ang impormasyon kaugnay ng bank account ni Duterte.
Pero ang gusto ni Panelo ay balanse lamang ng account ang ilabas at magbigay ng certificate ang BPI na hindi kailanman nagkaroon ng P211 milyon ang bank account.
Ibig bang sabihin, kung nagkaroon ng P210.9 milyong laman ang account, absuwelto na si Duterte.
Ang tingin ng mga tambay sa kanto, baka totoo ang alegasyon kay Duterte.
Una, hindi sila sanay na hindi humaharap si Duterte kalaban nito. Ang kanyang ipinadala ay si Panelo.
Ang matapang humaharap umano sa kalaban at hindi nagpapadala ng representative.
Pangalawa, kung wala umanong itinatagong malaking pera si Duterte, ano ang ikinakatakot niya at hindi niya mapabuksan ang kanyang bank account? Ipakita niya ang mga transaksyon— ang mga pumasok at lumabas na pera.
Kung sa legal umano nanggaling ang pera, bakit kailangang itago ito ni Duterte?
Nangangamba ang marami na magiging magulo na naman ang bansa kung mananalo si Duterte?
Malabo umano na makuha ni Duterte ang mahigit sa 50 porsyento ng mga boto kaya hindi siya magiging majority president, magiging plurality president siya gaya ng mga nauna sa kanya.
Kung makukuha ni Duterte ang 35 porsiyento ng mga boto, ibig sabihin ay 65 porsyento ang kanyang kalaban. At sa tinakbo ng kampanya, mahirap umano na agad na magpatawaran.
At ngayon pa lamang ay mayroon ng naka-umang na impeachment laban sa kanya kaugnay ng kanyang pera sa BPI na hindi umano niya idineklara sa kanyang Statement of Assets Liabilities and Networth.
Kung ang survey sa pagkasenador ang titingnan, mayorya ay wala kay Duterte kaya inaasahan na magiging kritikal ang Senado sa kanya, parang noong panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo.
Sa Kamara de Representantes ay nagbabantayan pa kung mayroong mga tatalon sa Partido Demokratiko Pilipino, ang partido na umampon kay Duterte kaya siya nakatakbo.
Pero kung ngayon ang titingnan, puro kalaban din ang nasa Kamara.