Mahihirap tagilid sa Duterte presidency- Poe

poe1-0406
Mga mahihirap umano ang magdurusa sa isang marahas na gobyerno dahil sila ang kalimitang pinagbibintangan na gumagawa ng krimen.
Hindi man direktang pinangalanan, pinatutsadahan kahapon ng presidential candidate na si Sen. Grace Poe ang kalaban niyang si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na kilala sa pagiging matapang at iniuugnay sa ilang paglabag sa karapatang pantao.
“Merong isa kasing kandidato na ang sinasabi tatapusin niya ng tatlo hanggang anim na buwan ang droga. Kahit naman ako, pangarap ko rin ‘yon. Walang masama doon kung talagang magagawa. Kaya lamang ito: Ang pamamaraan ay mali,” ani Poe sa kanyang pangangampanya sa Nueva Ecija.
Sinabi ni Poe na hindi tama na magbigay ng kapangyarihan sa isang grupo upang pumatay ng kriminal na karamihan umano ay mahihirap.
“Ang problema ang palaging napapagkamalan ay mahihirap. Pansinin ninyo, meron bang pinatay na mayaman doon sa lugar nila na nasuspetsahan ng droga, smuggling, o anupaman?” ani Poe. “Kaya kahit gusto natin ng mabilis na solusyon, gagawin ko pa ring mabilis ang solusyon pero naaayon sa proseso.”
Ayon sa Philippine Statistics Authority sa bawat 100 preso, 44 ang hindi marunong bumasa at sumulat at hindi nakapagtapos ng elementarya.
Kung mananalo, sinabi ni Poe na magtatayo siya ng drug court upang mapabilis ang paglilitis ng mga sangkot sa droga kasabay ng pagpapalakas ng Public Attorney’s Office na siyang matatakbuhan ng mga mahihirap na walang pambayad ng abugado.
“Bibigyan ko ang mga mahihirap ng magagaling na abogado. Magtatalaga ako ng magaling na pulis sa bawat rehiyon. At ‘pag hindi bumaba ang datos ng krimen at droga, hindi ako maghihintay ng dalawang araw; ako mismo tatanggalin ko ‘yung provincial police para mapalitan ng gumagawa ng trabaho,” ani Poe.

Read more...