Golden State Warriors dinomina ang Portland Trail Blazers sa West semis opener

OAKLAND, California — Muling nagpakita ng mahusay na paglalaro si Klay Thompson sa pag-iskor ng 37 puntos para pangunahan ang Golden State Warriors sa dominanteng pagwawagi laban sa Portland Trail Blazers, 118-106, kahapon sa opener ng kanilang NBA Playoffs Western Conference semifinals.

Itinala ni Draymond Green ang kanyang ikalawang career postseason triple-double sa ginawang 23 puntos, 13 rebounds and 11 assists para sa defending champions.

Hindi pa rin kasama si reigning MVP Stephen Curry bunga ng tinamong sprained right knee, nagsanib puwersa sina Green at Thompson para pamunuan ang Warriors. Muling pumukol si Thompson ng pitong
3-pointers para maging kauna-unahang manlalaro sa kasaysayan ng  NBA na makagawa ng pitong 3-pointers sa tatlong sunod na playoff games.

Nag-ambag si Shaun Livingston ng 12 puntos at anim na assists habang si Andrew Bogut ay nagdagdag ng 10 puntos, 12 rebounds at tatlong blocks para sa Golden State.

Si Damian Lillard ay gumawa ng 30 puntos para sa Portland.

Ang Game 2 ng best-of-seven series ay gagawin bukas sa Oracle Arena.

Read more...