Peke ang bank documents ni Trillanes

BINASANG maigi ng inyong lingkod ang mga diumano’y bank transactions sa Bank of the Philippine Islands-Julia Vargas branch sa Pasig City ni Davao City Mayor at presidential candidate Rodrigo “Rody” Duterte.

Ang diumano’y bank transactions ay iprinisinta ni Sen. Antonio Trillanes IV sa publiko.

Pero sa aking palagay ay fake ang record ng BPI transactions ni Duterte at ng kanyang anak na si Sara Z. Duterte.

Parang pinagawa lang ng magaling na senador ang mga ito sa Recto o isa sa mga tindahan sa Claro M. Recto Ave., Manila, kung saan nagagawa o nagagaya ang mga public documents at transcripts of records.

Walang authentication ang mga ito.

Pinabulaanan ng BPI na nanggaling ang mga dokumento sa kanila,

“I don’t know where Sen. Trillanes got his information, but the graphic posted by the Philippine Daily Inquirer showing alleged credits, that is not a BPI document,” ani Jose Teodoro Limcaoco, managing director at chief financial officer ng Ayala Corp. na nagmamay-ari ng BPI.

Dahil sa “expose” ni Trillanes, maaaring magkaroon ng bank run o closure at mawalan ng tiwala ang taumbayan sa ating banking system.

Kahit na sa kanyang affidavit, parang hindi kapani-paniwala ang pinagsasabi ni Trillanes.

Sinabi ng senador na nakatagpo niya ang isang Joseph de Mesa na isang concerned citizen na naga-idolize kay Duterte pero nawalan na ng gana sa frontrunner sa mga presidentiables dahil nalaman niya ang tungkol sa diumano’y kayamanan nito.

Sa kanyang pakikipag-meeting kay De Mesa, ani Trillanes, binigyan siya nito ng mga dokumento tungkol sa transaksyon ni Duterte at ng kanyang anak na si Sara Z. Duterte sa BPI-Julia Vargas branch sa Pasig, Edsa Greenhills branch sa San Juan, at Banco de Oro Unibank sa Mandaluyong City.

Kinumpara raw ng senador ang mga dokumento na kanyang natanggap sa SALN (Statements of Assets, Liabilities and Net Worth) ni Duterte.

“When everything checked out,” ani Trillanes, nagdesisyon siya na isapubliko ang mga dokumento.

Sinabi ni Trillanes na nais niyang ilantad ang diumano’y pagiging ipokrito ni Duterte na nagkukunwaring mahirap at yun pala’y “held bank accounts containing hundreds of millions, if not billions of pesos.”

Ang kaso, hindi kinumpirma ni Trillanes ang pagkatao nitong si De Mesa na nagbigay daw ng mga dokumento sa kanya.

Sino si De Mesa, ano ang kanyang trabaho at ang kanyang address?

Maaaring itong si De Mesa ay hindi tunay na tao kundi nasa imahinasyon lang ni Trillanes.

Gaya ng sinabi ko kanina, ang mga dokumento ay hindi authenticated at mukhang peke.

Ilang taon na ang nakararaan nang tinanggap ko bilang personal secretary ang isang babae na nagsabi na siya’y tapos sa kolehiyo.

Ipinakita niya ang kanyang diumano’y transcript of records na katunayan ay nag-aral siya sa isang university sa Maynila.

Nagduda ako sa kanya matapos ang ilang buwan na hindi siya nakatapos sa kolehiyo dahil di siya marunong mag-spell ng mga simple words at di siya makapagsalita ng matuwid na English.

Nang mag-check ako sa university, sinabi ng school administration na fake ang mga transcripts na iprinisinta sa akin.

Ang nangyari sa akin ay maaaring nangyari sa INQUIRER.

Read more...