MALAKI pala ang pagkakahawig ng Kapamilya young actor na si Joshua Garcia sa Pambansang Bae na si Alden Richards. Nakachika namin ang bagets sa presscon na ibinigay sa kanya ng kilalang clothing company na BNY, si Joshua ang bago nilang celebrity endorser at nagkakaisa ang mga entertainment reporters na may mga anggulo si Joshua na Alden na Alden ang dating.
Of course, flattered and thankful ang binata sa mga papuri ng mga writer sa kanya. Pero aniya nga, napakarami pa niyang kailangang patunayan sa mundo ng showbiz bago niya marating ang kasikatan ng Kapuso matinee idol. Pero in fairness, unti-unti nang gumagawa ng sarili niyang pangalan si Joshua sa mundo ng showbiz, at para sa amin napakalaki ng chance niya na maging pambatong drama actor ng ABS-CBN dahil sa galing niyang umarte.
Napanood namin siya sa dalawang episode ng Maalaala Mo Kaya, ang huli nga ay nang gampanan niya ang isang beking estudyante na naging lalaki nang ma-in love sa kanyang kaibigan na ginampanan ng dati ring PBB housemate na si Loisa Andalio.
Ang galing-galing ni Joshua sa episode na yun ng MMK, kering-keri niya ang mga offbeat roles. Sabi nga namin sa kanya parang nakikita ko sa mga eksena niya sa MMK si John Lloyd Cruz nu’ng nagsisimula pa lang ito sa pag-arte.
Samantala, abot-langit ang pasasalamat ng bagets sa mga may-ari ng BNY dahil siya nga ang napili na maging bagong ambassador ng mga bagong designs ng sikat na clothing line. Siya ang ipinalit sa Kapamilya young actor na si Manolo Pedrosa na ka-batch din niya noon sa Pinoy Big Brother Teen Edition.
Nu’ng una, ayaw pang aminin ni Joshua na siya ang kapalit ni Manolo pero kinumpirma nga ito ng may-ari ng BNY, aniya, “Ang alam ko po dagdag lang ako sa BNY, pero hindi pala.” “Blessing po ito kaya nagpapasalamat ako kay Lord, kaya gagawin ko ang best ko para masuklian ko ang trust nila sa akin,” pahayag ng gwapong bagets na swak na swak sa mga bagong design ng BNY shirts and jeans.
Ayon naman sa mga taga-BNY naniniwala sila na malaki ang maitutulong ni Joshua sa kanilang produkto dahil sa magandang image nito sa masa. Marami na rin daw followers at supporters ang binata kaya positibo sila na susuportahan ng mga ito ang bagong endorsement ng kanilang idolo.
Natanong naman ng press ang binata kung ano ang feeling niya na binigyan na ng bagong ka-loveteam si Loisa sa katauhan ni Yves Flores at napapanood nga sa seryeng Be My Lady.“Sa akin, okey lang naman po kasi trabaho yon. Sila po yung loveteam doon,” tugon niya.
Hindi ba siya nalungkot at na-depress na wala na siyang ka-loveteam? “Okey lang naman. Relax-relax. Kasi ngayon, pa-guesting-guesting lang muna ako. Tulad sa Ipaglaban Mo, may love team naman ako, si Mika dela Cruz, pero parang ano lang, slight lang.”
Pero inamin niyang nami-miss din niya si Loisa? “Siyempre nami-miss. Kasi nakatrabaho ko siya, eh. Kasi ngayon, bihira na lang kaming magkita, kasi siyempre busy siya, busy din ako, magkaiba kami ng trabaho.” Dinenay naman ng binata na may namamagitan na sa kanila ni Loisa, “Ganu’n pa rin naman po. Friends pa lang din po. Masyado pa po siyang bata, eh. She’s only 17 saka respeto na rin po sa magulang niya.
“Kasi sinabihan po ako ng papa niya na ano muna, parang barkada-barkada lang muna po. Sabi ko, ‘Okey lag po, yon din naman ang intension ko sa anak niyo.’ Siguro pag 18, puwede na siyang ligawan pero hindi pa siya puwedeng mag-boyfriend,” sey pa ni Joshua.