Melai rumesbak sa isang Duterte fan matapos pagbantaan ng rape ang anak

Melai
RUMESBAk ang TV personality at host na si Melai Cantiveros sa isang supporter ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte matapos namang sabihin nito na dapat ma-rape ang anak niyang babae.
Sa kanyang post sa kanyang Instagram, sinabi ni Cantiveros na bagamat naging tahimik siya sa kabila ng mga pamba-bash sa kanya sa social media dahil sa kanyang pagsuporta sa kandidato ng administrasyon na si dating Interior secretary Mar Roxas, hindi naman niya mapapalampas ang naging pahayag ng isang Shawie Enriquez laban sa kanya at kanyang pamilya.
“Hindi ako nakikipag away kahit binabash ako dahil si Mar Roxas ang napili at gusto kong presidente . Pero kung sasabihin mo saken “sana ma-rape ang anak ko “—-ay ibang usapan na yan. Lalaban ako dahil hindi na tama ang punto mo. Pati anak kong baby na babae idadamay mo!?” sabi ni Cantiveros.
Idinagdag ni Cantiveros na nakahanda siyang maghain ng kaso laban kay Enriquez.
“Sa mga kaibigan kong supporter ni Duterte tingin nyo ba tama pa tong ginawa ng kapwa nyong supporter? Handa ako mag file ng kaso sa taong to,” dagdag ni Cantiveros.
Nauna nang binatikos si Duterte sa kanyang kanyang rape joke kaugnay ng panggagahasa sa Australyanang si Jacqueline Hamill.

Read more...