Van sumirko sa TPLEx: 3 patay, 11 sugatan

TATLO katao ang nasawi habang 11 pa ang nasugatan nang maaksidente ang sinasakyan nilang van sa bahagi ng Tarlac-Pangsinan-La Union Expressway (TPLEX) Huwebes ng hapon, ayon sa pulisya.

Dead on arrival sa ospital ang mga pasaherong sina Leo Salido, 30, at Jane Lacerna, 20.

Binawian ng buhay ang isa pa na si Rona Labor, habang nilulunasan sa isang ospital sa bayan ng Rosales, ayon sa ulat ng Pangasinan provincial police.

Sugatan naman sina Minda Labor, Dexter Cerbas, Jun Jun Belyera, Anna Labaro, Marian Amorin, Cita Edolan, Arniel Tale, Elyn Mae Melicado, Nolie Cerbas, Quin Roid Matrata, at Nerman Manon.

Naganap ang insidente dakong alas-5:30 ng hapon sa bahagi ng TPLEX na sakop ng Brgy. Palakipak, Rosales.

Minamaneho noon ni Vitaliano Cruz Jr., 31, ang Nissan Urvan (WQU-236) patungong Maynila.

Lumabas sa imbestigasyon na sumabog ang gulong sa kaliwang bahagi ng likod ng van, hanggang sa ang sasakya’y gumilid sa kanan, sumalpok at kumaskas sa concrete railing, at mahulog nang pataob sa gilid ng kalsada.

Nasa kostudiya na ng Rosales Police ang driver ng van.

Read more...