MALAPIT na ang pagkakataong huwag iboto ang mga kandidatong di mamumunga ng kabutihan para sa mahihirap at api, tulad ng pagputol sa bawat sanga ng ubas na di mamumunga at pagpungos sa mamumunga. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Gawa 15:1-6; Slm 122; Jn 15:1-8) sa ikalimang linggo ng Pasko ng Pagkabuhay.
Nagsimula na ang kampanya ng simbahang Katolika na huwag gawing basehan ang resulta ng mga survey sa pagpili ng susunod na pangulo. Ang survey ay puspos ng kasinungalingan, kaya ang parating pagsisinungaling ay kampon ng demonyo (obsession at possession). Marami ang naniwala sa survey kaya ibinoto noon si BS Aquino. Waktu.
Ang tunay na Katoliko ay may sariling pagninilay sa tamang kandidato, maging siya man ay inakusahang pusakal o magnanakaw nang di isinasailalim sa patas na paglilitis. May bahid ng kasalanan ang lahat ng kandidato at ang paghingi ng tawad sa pari ang siyang huhugas sa mga ito. Ang pamumuhay nang malinis pagkatapos ng pagsisisi ay gagabayan ng Diyos.
Si Boy Sanggol ay saglit na kolumnista ng entertainment section ng Bandera noong unang panahon, dalaga na si Sabel. Nang dahil sa aking malaking tiwala sa entertainment editor noon (kasama ko siya sa Jingle Clan Publications, na noon ay maraming editor, kolumnista at reporter na hindi bakla), di ako nagduda kay baby boy, hanggang sa makaharap ko siya sa editorial.
Si baby boy ay hunk at madaling luhuran para sambahin ng mga badaf. Bilang paggalang sa unang pagkikita ng kapwa lalaki, kinamayan ko siya, nakangiti, bagaman nasaktan ako sa piga ng kanyang kamao. Kinabukasan, pagkatapos ng masidhing pagtatanong, inamin ng entertainment editor na si Boy Sanggol ay pulis-Davao at lumayo dahil papatayin siya ni Digong. Ang Bandera ang nagligtas sa kanya, saka siya naglaho na parang bula dahil natunton na.
Naghahanda na ang responsible gun owners kapag nanalong pangulo si Digong. Dadami ang vigilantes at di na alam ang totoo o rumeresbak, o trip lang. Shootback, anang shooters. Iyon naman talaga ang pakay ng kanilang pag-aarmas, at maging ang pag-aarmas ng journalists. Shootback.
Matagal nang may banta ang Abu Sayyaf na kidnapin ang mga anak ni Pacquiao, kaya sa Luzon sila nag-aaral. Itong si BS Aquino, imbes na makiisa at tulungan ang Canada, isinama pa ang kanyang kapatid sa kikidnapin. Tatlong araw na huli na naman ang reaksyon ni Aquino.
Nagbanta ang di tunay na lalaki na mortal ang galit kay Bongbong Marcos. Tanaw na kasi ang panalo ni Bongbong. Di sana sisikat si Bongbong kundi dahil kina Corazon at Noynoy Aquino. At naawa ang taumbayan kay Bongbong nang isisi sa kanya ang martial law. Malapit nang lumabas ang tunay na kasarian ng lalaking ito, lalo na kung siya’y makukulong sa Quezon City Jail.
Sa Aroroy, Masbate at Gasan, Marinduque, mahihirap na mga bayan sanhi ng mga politikong pulpol, walang bobotante. Sila ay peratante. Pera para sa botante. Ang politiko ay dapat sumuka ng pera sa botante dahil hindi makapagnanakaw ang botante. At ang ninakaw na pera ng politiko ay galing din naman sa botante.
Natutulog sa pansitan si Caloocan Mayor Oscar Malapitan. Sa huling linggo ng kampanya ay “kinakain” na ni Rep. Enrico Echiverri ang mga lider ni Malapitan. SMS (sa madaling salita), laglagan na.
MULA sa bayan (0916-5401958): Kahit na anong sabihin mo, Duterte pa rin kami. Biktima kami ng sindikato ng droga at si Duterte lang ang pag-asa naming. …3880