6 paaralan sa Maguindanao pinasabog, inulan ng bala

PINASABUGAN at pinaulanan ng bala ng mga hindi pa kilalang salarin ang anim na elementary school sa Sultan Mastura, Maguindanao, nitong Miyerkules, ayon sa mga awtoridad kahapon.
Naganap ang mga pagsabog dakong alas-12:20 ng madaling-araw sa Dagurungan Elementary School ng Brgy. Dagurungan, Tuka Elementary School ng Brgy. Tuka, Darping Elementary School ng Brgy. Macabiso, Tariken Elementary School ng Brgy. Tariken, at Simuay Seashore Elementary School ng Brgy. Simuay, sabi ni Senior Insp. Ronald de Leon, public information officer of the ARMM regional police.
Walang nasugatan sa mga pagpapasabog, pero nagtamo ng pinsala ang mga gusali, ani De Leon, gamit bilang basehan ang ulat na nakarating sa regional police headquarters.
Nakatagpo ng mga rumespondeng pulis ng metallic fragments, nawasak na plastic container, dalawang safety lever ng granada, walong basyo ng kalibre-7.62 rifle, at isang kalibre-5.56 basyo sa mga paaralan, aniya.
Bukod sa limang paaralan, pinaulanan naman ng bala ang Tapayan Elementary School, sabi ni Captain Jo-Ann Petinglay, public affairs officer ng Army 6th Infantry Division.
Tinamaan ng bala ang konkretong pader ng computer building ng naturang paaralan, ani Petinglay.
Nauwi naman ang pagpapasabog sa Tuka Elementary School sa pagkapinsala ng dalawang pinto ng classroom, sa bubong, kisame, bintana, at nag-iwan ng butas sa tapat ng pinto, aniya.
Parehong pinsala ang dinulot ng pagsabog sa Dagurungan Elementary School, ayon kay Petinglay.
Napag-alaman naman na pagsabog sa Darping Elementary School ay dulot ng granada dahil sa nakitang safety lever doon, aniya.
“Accordingly, the grenade was thrown inside the school but it exploded at the playground, so the building was not damaged,” ani Petinglay.
Sinabi ni Insp. Winderlyn Banico, hepe ng Sultan Mastura Police, na ang mga inatakeng paaralan ay pawang magsisilbi bilang polling precinct sa May 9 elections.
Di napinsala ng mga insidente ang silid kung saan magdaraos ng botohan, pero iniimbestigahan kung ang mga pag-atake’y “election-related,” sabi ni Banico sa BANDERA.

 

Read more...