Abu Sayyaf ‘natakot’ sa sandamakmak na bodyguards nina Kris at Pacquiao

KRIS AQUINO AT MANNY PACQUIAO

KRIS AQUINO AT MANNY PACQUIAO

SUSMARYOSEP! Binalak palang dukutin ng mga Abu Sayyaf sina Kris Aquino at Congressman Manny Pacquiao? Natural, alam na agad ang pakay ng mga dudukot sa kanila, ransom.

Pareho kasing milyonaryo sina Kris at Pacman, kayang-kaya nilang ibigay ang hihinging ransom sa kanila ng grupo, kahit pa naninindigan ang ating gobyerno sa no-ranson policy.

Napakalaking balita nu’n kung nagkataon. Isang sikat na aktres-TV host-endorser si Kris, Pambansang Kamao naman si Pacman na iniidolo sa buong mundo, kaya siguradong mahe-headline sila sa lahat ng TV networks sa lahat ng bansa.

Mabuti na lang at hindi nagkaroon ng katuparan ang nakaplanong pagdukot ng tropa kina Kris at Pacman, malaking tulong sa kanila ang pagkakaroon ng mga bodyguards, hindi sila lumalabas ng kanilang bahay nang sila lang at walang mga kasama.

Si Kris Aquino, kapag nagpupunta sa iba’t ibang lugar ay may mga nakabuntot na security, hindi lang naman kasi siya sikat na artista kundi kapatid din siya ng ating pangulo.

Mabuti na lang at ipinag-adya ng panahon ang malaking indultong magaganap sana kina Pacman at Kris. Hindi nagtagumpay ang plano ng mga miyembro diumano ng Abu Sayyaf ayon sa ating pangulo.

Mabuti naman at nakaligtas sila sa planong pagdukot-pagbabayad nila ng ransom. Alam natin kapag hindi naibibigay ang gusto ng grupo, pinupugutan nila ang kanilang mga bihag, tulad ng nangyari sa isang Canadian na balitang-balita ngayon sa buong mundo.

Buti na lang.

Read more...