BEGINNER’S luck para kay Ronnie Liang ang manalo bilang Best Actor para sa indie film niyang “Esoterika Maynila” na idinirek ni Elwood Perez.
Tabla sa nasabing kategorya sina Ronnie at John Lloyd Cruz kaya naman hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala ang singer sa tropeong natanggap mula sa nakaraang 18th Gawad Pasado Awards na ginanap sa University of the East-Manila.
Naka-chat namin si Ronnie kamakailan at masaya niyang ibinalita na sobrang saya niya nang manalo siya ng Best Actor award at naka-tie pa niya si Lloydie. “Sobrang tuwa ko po kasi nag-tie kami ni John Lloyd Cruz. Imagine po, John Lloyd walang makapapantay sa kanya, marami na siyang napatunayan at para sa akin isa siyang ehemplo bilang artista sa larangan ng pag arte.
“Idolo ko po siya kaya naman isang malaking karangalan na maging bahagi ng Best Actor award sa pinakapasadong aktor sa 2016 Gawad Pasado kasama sina rin sina Jericho Rosales, John Arcilla at Richard Gomez.
“Ma-nominate palang ako, Reggee masayang-masaya na ako dahil first time ko lang naman gumawa ng pelikula at napansin naman ako sa ‘Esoterika Maynila.’ “Matagal ko nang ipinagdarasal at pinapangaral na magkaroon ng pelikula at award kagaya nito at ako ay nagpapasalamat una sa Diyos sa pagtugon sa akin.
“Kaya naman nagpapasalamat ako sa lahat ng bumubuo ng Gawad Pasado sa karangalang ipinagkaloob sa akin, sa producer ko si Sir Rex Tiri ng Trex Entertainment at si Direk Elwood Perez sa pagtitiwala at paniniwala sa aking talento at kakayahan.
“Salamat din po sa manager ko, Viva boss Vic del Rosario, boss Vincent del Rosario at ma’am Veronique del Rosario-Corpus sa pagsuporta nila lagi sa career ko at sa pagbibigay pahintulot upang gawin ang ‘Esoterika Maynila.’
“Sinabi ko nga po sa speech ko last April 16, ‘boss Vic sana sa Viva Films naman ako makagawa ng pelikula. Ha-hahaha! Salamat din sa mga critic o mga pumupuna sa akin, mas lalo pa po ako nai-inspire para mas lalo ko pang pagbutihan.
“Ibinahagi ko ang tropeo ko sa aking pamilya sa kanilang suporta at pagbibigay din ng inspirasyon sa buong casts and production ng ‘Esoterika Maynila’ sa kanilang paggugol ng oras, lakas pagod upang maging matagumpay ang ang pelikula.
“At salamat din sa aking mga taga-suporta ang McRonns and MacaRonnies sa kanilang pagmamahal and last but not the least nais kong ibahagi ang award na ito sa aking pinakamamahal na girlfriend na nasa New York sa kanyang pagmamahal at sakripisyo at pang-unawa na madalas bumiyahe mula New York to Pilipinas para lang po magkasama kami.
“Ipinagdarasal ko na masundan din ang proyekto ko sa pag-arte sa pelikula man o sa telebisyon, pangarap ko talaga umarte at the same time singer, ngayon po gumagawa po ako ng bagong album para sa Viva Records at ire-release namin sa Malaysia, Indonesia at Singapore na sinulat po ng Malaysian composer at producer na si Julfekar ng Julfekar Music,” pahayag pa ng binata.
Kaya naman looking forward si Ronnie sa mga susunod pa niyang projects na ibibigay ng Viva at hoping siya na sana ay mapasama siya sa mga susunod na pelikula ng Viva. Hmmm, puwede ring isama si Ronnie sa mga susunod na movie nina James Reid at Nadine Lustre, pwede siyang maging third party sa isa sa mga pambatong loveteam ng ABS.
Samantala, isinapubliko na rin ni Ronnie na may girlfriend na siya na isang nurse, naka-base raw ito sa New York at matagal na sila. Sa katunayan ay nakabili na sila ng bahay nila sa California kung saan tumutuloy ang binata pag nasa Amerika siya.
Sa tanong namin kung kailan sila magpapakasal ng girlfriend niya, “Darating din po ‘yun, I guess, hindi pa po ngayon.”