‘Pamana ni Duterte sa Kabataan’ video, shocking!

ANO ba ang meron sa isang video ukol kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte na pinagkakaguluhan ng mga netizens at ipinagbabawal ipalabas ng mga TV network?

Daan-daan libo na ang views at shares ng 30-second video na may pamagat na ‘Pamana ni Duterte sa Kabataan’ na ginawa umano para gawing advertisement pero di raw pumasa dahil sa isyu ng moralidad.

Nang silipin nga namin ang nasabing video sa YouTube ay napahesusmarya habang nag-aantanda kami.
Shocking ang video!

Sa loob ng 30 segundo ay hindi namin mabilang ang dami ng mura na namutawi sa bibig ng alkalde.
Naka-bleep man ang mura at pixelated ang subtitles pero alam mo na hindi maganda ang lumalabas sa bibig ni Duterte.

Pero ang mas nakababahala ay ipinapakita rin ang mga imahe ng mga bata na tila ginagaya ang pagmumura ng alkalde, partikular sa Santo Papa.

Nakababahala rin ang mga slogan na namumutawi sa labi ni Duterte gaya ng “Mabuhay ang NPA” at ang pagbabanta na itutumba ang mga manggagawa na nag-uunyon.

Sino man ang may pakana ng nasabing video ay tiyak hindi ito mula sa kampo ni Duterte dahil kahit panatiko ka ng alkalde ay mapapaisip ka kung tama ba na siya ang sumunod na mamumuno sa bansa.

Tama ang sinabi niya na hindi siya perpektong tao, pero wala naman sigurong masama kung aasa tayo sa isang kandidato na hindi korup, maayos mamalakad at kontra sa krimen pero hindi rin barumbado, hindi nananakot, hindi masama ang pananalita, pantay ang tingin sa babae at lalaki, at may paggalang sa buhay.

Panoorin ang video at ikaw na ang humusga.

SAAN kaya kumukuha ng kumpiyansa itong si Mar Roxas at nakuha pa niyang magdeklara na marami ang nakumbinsi niyang botante sa kanyang performance sa huling presidential debate kamakalawa?

Hirit ng pambato ni PNoy, hanep daw ang impact ng kanyang mga sagot sa tanong ng publiko kaya nakabingwit siya ng bagong boboto sa kanya.

Totoong magaling siyang magsalita at handa siya sa mga sagot. (Ewan lang kung totoo ang sitsit na mayroon siyang kodigo at alam na niya ang itatanong bago pa ito itanong)

Ang problema ay wala siyang kakonek-konek sa audience.

Sa isang nagtanong na nawalan ng ama dahil walang medical care sa mga probinsya, imbes na sumagot nang diretso aminin na may kakulangan ang gobyerno, inisa-isa ni Mar ang mga nagawa kuno ng pamahalaan ukol sa health care sector, pagtaas ng budget at ang pagpapapalawig sa PhilHealth. Mga sagot na siguradong dinedma naman ng pobreng nagtanong dahil wala naman itong kinalaman sa kanya.

Ni hindi man lamang kinausap ni Mar ang nagtatanong. Ni hindi nga niya ito tiningnan nang mata sa mata.

Teknokrat na teknokrat ang dating ni Mar. Pero hindi ba niya alam na walang masyadong nakukuhang boto ang mga teknokrat?

Read more...