Ngayong gabi rin sa Kapuso Mo, Jessica Soho, tampok ang taxi driver na sumikat sa social media dahil sa kanyang binebentang peanut butter. At may espesyal na pasahero pa siyang makakaharap—si Jessica Soho!
Marami ang naantig sa Facebook post ng art director na si Troy Sitosta nang libre niyang ginawan ng label ang binebentang peanut butter ng taxi driver na si Mang Roderic. Kaya naman abot-langit ang pasasalamat ni Mang Roderic dahil mula raw nang nai-share online ang kanyang kuwento, dumagsa ang mga umo-order sa kanya ng peanut butter.
Sakto raw ito sa pampagamot ng kanyang anak. Samantala, tutuklasin ng KMJS ang gandang hatid ng ilan sa pinagmamalaking sandbars ng iba’t ibang probinsya: ang Manlawi Sandbar ng Caramoan sa Bicol, ang Sumilon Sandbar sa Cebu, at ang tinatagong ganda ng Digyo Sandbar sa Leyte.
Titikman din ng programa ang iba’t ibang pagkaing tampok sa World Street Food Congress na idinaos ngayong linggo sa Taguig. Makikita rito ang mga kilalang pagkaing-kalye mula sa iba’t-ibang panig ng Asya, Amerika, at sa ating bansa.
Aalamin ng KMJS kung alin sa mga ito ang swak sa panlasang Pinoy. Lahat ‘yan sa Kapuso Mo, Jessica Soho tonight after Ismol Family sa GMA.