SA pagreretiro ni Filipino boxing superstar Manny Pacquiao sa boksing, si World Boxing Organization (WBO) super bantamweight at five-division champion na si Nonito Donaire Jr. na ang pinakakilalang boksingerong mula sa Pilipinas ngayon at posibleng bagong hari ng Philippine boxing.
At sa kanyang pagsagupa sa Hungarian na si Zsolt Bedak sa main event ng Top Rank at ALA Promotions na “The Time Has Come” sa Cebu City Sports Center ngayon, hindi lang niya masesemento ang kanyang pangalan bilang isa sa mga pinakamagagaling na Pilipinong boksingero, matutulungan din niyang makilala ang mga susunod na henerasyon ng Pinoy boxing superstars tulad nina Mark “Magnifico” Magsayo at Jason “El Nino” Pagara, na parehong sasabak sa undercard ng kartada.
Si Donaire, na kilala rin sa tawag na “Filipino Flash” at may 36 panalo at 3 talo kasama ang 23 knockouts na record, ay hindi na makapaghintay na makabalik sa pound-for-pound rankings at patunayang siya ang hari ng kanyang weight class sa kanyang laban kay Bedak, na may 25-1 na kartada at kilala rin sa kanyang left hook katulad ni Donaire.
Si Donaire ay tumimbang ng 124.75 lbs habang si Bedak ay may timbang na 124.5 lbs sa kanilang official weigh-in kahapon.
Samantala, ang 20-anyos na si Magsayo (13-0, 10 KOs), na nagpatulog sa anim niyang kalaban sa huling pitong laban niya, ay tiyak na mapapalaban kay Chris Avalos (25-4, 19 KOs) sa kanilang tagisan para sa bakanteng WBO International featherweight title.
Si Avalos ay isang super bantamweight counterpuncher na apat na beses nang humawak ng titulo kasama na ang WBO Intercontinental super bantamweight noong 2011.
Ang 27-anyos naman na si Pagara (37-2, 23 KOs), na kinikilala bilang No. 1 contender para sa WBO lightweight division, ay sasagupain ang knockout artist na si Miguel Zamudio (35-8, 21 KOs) ng Mexico, na tatlong taon ang ibinata sa kanya sa edad na 24, at hilig gamitin ang kanyang 71-inch reach advantage.
Tampok din sa boxing event na ito ang laban sa pagitan nina Paul Fleming at Miguel Angel Gonzales.