ECC funeral benefits

MATAGAL na po akong nagbabasa ng inyong pahayagan. Ako po si Emelita Domingo. Yung asawa po ng tita ko ay namatay may dalawang linggo na ang nakalilipas. Namatay habang siya ay nasa trabaho.

Nabasa ko po kasi sa inyong column na bukod sa funeral benefits mula sa SSS ay maaari ring makatanggap ng funeral benefits sa ECC at pension kung meron dahil sinasabing may kinalaman sa trabaho ang dahilan ng kanyang pagkamatay. Sana po ay masagot ninyo ang aking katanu-ngan.

Malaking tulong ito para sa kanilang dalawang anak na kasalukuyan pang nag-aaral.

Emelita Domingo
Brgy San Nicolas II
Talaba, Bacoor Cavite

REPLY: Para sa iyong katanungan Ms. Domingo, tama na magkaiba ang benepisyo mula sa SSS at ECC.
Bukod ang beni-

pisyong maaaring matanggap ng iyong tiyahin o asawa ng iyong tiyuhin mula sa Employees Compensation Commission o ECC.

Kung nakapag-file na siya ng claim sa SSS para sa death benefits ay maaari rin silang mag-file ng claim sa ECC para sa funeral benefits.

May P20,000 na funeral benefits ang ibinibigay ng ECC sa mga miyembro nito kung mapapatunayang work related o may kinalaman sa trabaho ang pagkamatay ng miyembro.

Sa pension naman na binabanggit mo na mula sa ECC, ang kanyang pension ay depende sa average credit ng isang empleyado ngunit kinakailangan pa rin ng evaluation dito.

Kumpara sa SSS sa pagkuha ng claim sa ECC ay mas maraming requirements na kinakailangang isumite. Ito ay nasa ilalim ng Employees Compensation Program (ECP).

Saklaw ng ECP ang death benefits na ibinibigay sa mga beneficiaries na ang kamatayan ay may kinalaman sa trabaho.

Ang death benefit ay dapat din na ibigay sa mga beneficiaries kung ang dahilan ng pagkamatay ng isang manggagawa ay sanhi ng kumplikasyon o natural na pangyayari sa kanyang compensated permanent total disability.

Maaaring makipag-ugnayan sa anumang sa-ngay ng SSS kung siya ay pribadong manggagawa at sa GSIS naman kung government employees.

Atty. Jonathan VillaSotto
Deputy Director
Employees Compensation Program (ECC)
May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maaari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jbilog@bandera.ph, jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog97@ gmail.com.

Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.

Read more...