Partido iniipit ang pondo para di kumalas ang mga kaalyado

NASA alanganing sitwasyon ngayon ang campaign manager ng isang political party dahil halos araw-arawin na siya ng mga kapartidong humihingi ng pondo sa halalan.

Hindi kasi masabi ng naturang campaign manager kung kailan maibibigay ang pondo para sa kanilang mga kapartido lalo na yung mga kandidato sa local positions.

Ang ikinasasama ng loob ng naturang opisyal ay ang hindi niya pagkakasama sa mismong inner circle ng ikinakampanya nilang pangulo.

Inilagay lang naman kasi siya sa pwesto para hindi tumawid ng partido.

Pero sa totoo lang ay hindi siya kasama sa core group ng partido.

Sinabi ng ating Cricket na nagbanta na ang opisyal na kakalas na sa susunod na linggo kapag hindi pa rin bumaba sa kanyang opisina ang pondo na hinihintay ng kanilang mga kaalyado.

May balita rin na maingat ang partido sa pagpapalabas ng pondo dahil kapag umabot na ito sa mga local officials ay posibleng abandonahin na rin nila ang kasalukuyang political party para suportahan ang mga nangunguna sa surveys.

Segurista ang mga opisyal ng partido pagdating sa pondo ayon sa ating Cricket na kulang na lang daw ay gawing arawan ang loyalty check para sa kanilang mga kaalyado.

Hindi rin pwedeng pabayaan ng partido ang kanilang campaign manager dahil malakas ang hatak nito sa ilang local officiala na dati niyang mga kasamahan sa partido na dati nilang kinaaniban.

Kapag umalis ang opisyal sa partido ay susunod sa kanya ang maraming mga kasamahan kaya dapat na agapan ng mga political party top brass ang hinaing ni Mr. Official.

Mataas ang pwesto sa gobyerno ng bida sa ating kwento.

Siya ay si Mr. F….Felix Bakat.

Read more...