MADALAS lumapit ang demonyo, anyong anghel at tapat; at nagwiwika ng masasama. –Pope Francis
Ang Archdiocese of Manila Office of Exorcism, sa pamumuno ni Father Jocis Syquia (at kasamang team ng malalakas na mga babae), ay napakaraming tagumpay na naitala sa pagpapalayas ng demonyo, kahit na ito’y sumanib pa sa napakarelihiyosang madre. Mali nga si Bishop Soc Villegas, pangulo ng CBCP, sa pagpayo sa mga Katoliko na huwag iboto si Rodrigo Duterte. Ang nararapat: isailalim siya sa exorcism sa AMOE.
Malinaw na inaalihan ng masamang espiritu si Duterte. Mapagmura si Duterte pero hindi siya minumura ng mahihirap sa Davao City. Baka sila ma-salvage. Ang nananahang masamang espiritu kay Duterte ay maaaring ang nanahan sa kanyang ninuno; at dahil bata pa siya noon, ay madaling lumipat sa kanya dahil siya’y “vulnerable,” ang termino ng exorcists.
Sa kanyang unang Pontificate sermon noong Marso 15, 2013, sinumang di tumatawag at nagdadasal sa Diyos ay tumatawag at nagdadasal sa demonyo, ani Pope Francis, ang minura ni Duterte noong 2015. Cerrado Catolico ang nanay ni Duterte. Iyan ang misyon ng demonyo: ang mapasok ang banal na pamilya. Pagkatapos murahin si Pope Francis, minura’t pinagnasaan pa niya ang pinaslang na Australian lay minister. “Sorry?” Ayon sa batas, kapag basag na ang plato, di na ito maibabalik ng sorry. Balikan ang mga naganap kina St. John Paul II at Cardinal Tagle (pagparada ng “Damaso”).
Ang mga nagsasabing ganyan talaga si Duterte ay nasilo na ng “hypnotic trance.” Hindi na makaaalis sa estadong iyan; bagkus ay ipagtatanggol pa yan, at igigiit na ganyan talaga siya. May termino ang AMOE hinggil sa pananatili sa trance: possession. Para labanan ang masasamang espiritu, ako’y gabi-gabing nagdarasal ng “Deliverance from evil spirits,” ni Padre Syquia.
Sa pagdarasal ng “Deliverance from evil spirits,” tinatawag sina Jesus, Birhen Maria, Espiritu Santo, San Miguel Arkanghel, ang Diyos Ama, Diyos Anak at Santisima Trinidad. Nakatirik ang kandila sa ilalim ng nakabayubay na Jesus sa krus at telon ng Divine Mercy. Sa ibaba ay ang medalyon ni Santo Benedicto (Vade Retro Satana) at umuusok pailanlang ang insenso sa ritwal ng insenyong bayan. At ilalakas ang bigkas sa pagpapalayas.
Hindi ko akalaing bumuhos ang napakaraming reaksyon (Mula sa Bayan: 0916-5401958) sa aking nakalipas na kolum (Tamad at bobo, Inquirer Bandera Abril 15, 2016). Karamihan sa mga nag-text ay mula sa mga naulila ng masaker sa Al Barka at Tipo-Tipo.
Luma na ang warfare theory na itinuturo sa PMA (Manny Tandoc, di ba’t “estudyante” mo rin ako, sa kati man o baha?). Kung kukuwentahin, ilan lang sa PMAyer ang napapatay at karamihan ay mga kabo. Isa sa mga napatay (sa Samar) noong martial law ay ang batambatang anak ng heneral. Kapag pumalpak ang bobong PMAyer, hindi sila sinisisi. Pinagtatakpan pa sila ng sindikatong Defense Press Corps.
MULA sa bayan (0916-5401958): Absolutely korek si Sir Lito Bautista na marami sa high ranking officers ng AFP ay bobo sa strategy at operation, bukod sa mahina ang intel, kaya nasasayang lang ang buhay ng brave soldiers. Parating naiisahan ng mga bandido ang AFP generals. Lea Valdez, CDO …8898
Namatay ang aking asawa sa enkuwentro sa Wright, Samar. Ang sabi ng PMAyer, “clear,” kaya nag-forward ang asawa ko. Namatay siya sa isang bala sa balikat, na lumabas sa kanyang tinae. …7911