Type rin daw niya ang lalaking misteryoso at bastos
MULI na namang pinatawa ni Angeline Quinto ang entertainment press sa ginanap na grand presscon ng romantic-comedy seryeng Kahit Konting Pagtingin sa Laffline comedy bar kamakailan, lalo na nang pagkumparahin na niya ang dalawa niyang leading man na sina Sam Milby at Paulo Avelino.
Napag-usapan kasi kung ano ang lasa ng labi ni Sam kasi nga ipinakita sa trailer ng KKP ang kissing scene nila, sagot ni Angge ng “lasang imported” daw si Sam at si Paulo naman bagama’t hindi pa nakukunan ang kissing scene nila ay baka raw “lasang class A”.
Ibinase kasi ni Angeline sa itsura nina Sam at Paulo ang lasa ng halik nila, isang Fil-Am at isang tisoy.
Pero nu’ng tinanong siya kung ano naman daw ang lasa ng halik ni Coco Martin (nakasama niya sa pelikulang Born To Love You), ang sagot ni Angeline, “Si Coco kasi medyo lasang lokal.” Pinoy na Pinoy daw kasi ang itsura ng aktor!Si Sam ang love interest ngayon ni Angeline sa Kahit Konting Pagtingin kaya ang aktor ang pinili niya nang tanungin naman siya kung sino ang mas masarap humalik kina Sam at Coco, “E, siyempre, doon na tayo sa imported!” sabay tawa ng aktres na tila ginu-goodtime na naman ang press.
Tinanong din siya kung feel ba niyang maging dyowa si Sam, at umoo agad ang dalaga sa katwirang, “Kay Sam Milby po kasi, bilang ako na hindi naman po ako ganoon kagaling mag-English so, nakikita ko po kay Sam na kung sakaling siya ‘yung magiging boyfriend ko, malaki ang maitutulong niya sa akin.
“Na kahit hindi na po ako magpatuloy ng pag-aaral ko. At siguro po, mas magiging maganda yung lahi ng pamilya namin!” paseryosong sabi ni Angge.
Magpapalahi siya kay Sam? “Opo. Kumbaga sa asong askal, nalahian ng maltese. Ganu’n po ang dating,” pigil ang tawang sabi ng dalaga.
Pero ang hindi makalimutan ni Angeline ay ang magandang katawan ng leading man niya, “Siyempre, alam naman nating lahat na maganda talaga ang katawan ni Sam kahit nakadamit o hindi, di ba?
Kung walang damit? E, di mas magandang-maganda po! ‘Yung six-pack niya.”
Ay humirit naman kung gusto niyang almusalin ang six-pack abs ni Sam na mala-pandesal? “Dinner na lang para masarap ang tulog!” natatawa muling sagot ng dalaga.
At siyempre natanong din si Angge tungkol sa isa pa niyang partner na si Paulo?
“Kay Paulo naman po, tahimik lang kasi si Pau, so isa rin ‘yun sa mga gusto ko sa lalaki, na medyo mysterious po, mysterious po na medyo bastos!
“Tsaka si Paulo, mahilig siya sa whiskey, e.
E, mahilig ako sa wine, so magkakasundo kami,” diretsong pahayag pa ng dalaga.
Natsa-challenge raw si Angeline sa medyo bastos na lalaki at type niya ring nababastos siya, “Opo, pero huwag naman po ‘yung bubugbugin ako, ‘yung medyo lang po.”
Pinuri rin ni Angge ang mala-sanggol na kutis ni Paulo, “Si Paulo kasi, baby face po siya at saka ‘yung katawan niya, e pang-baby din.
So, kailangan mong alagaan.
Super kinis na parang baby,” kinikilig pang say ng singer-actress.
Nagustuhan din ng aktres ang mga mata ni Paulo, “Kasi po, brown ang mata niya.”
Pero nang papiliin na si Angge kung sino kina Sam at Paulo ang gusto niya, “E, doon pa rin pi ako sa imported! Nasanay na po kasi ako sa US simula noong nag-tour ako du’n!” bumubungisngis pang kuwento ng dalaga.
Samantala, kay Sam din pala binanggit ni Angge ang titulong Kahit Konting Pagtingin dahil, “Kasi si Sam dito, medyo ayaw niya sa akin, e. So, ako po yung parang laging nagpapapansin sa kanya.
“Si Paulo naman po, medyo nagkakasundo kaming dalawa.
Kasi, si Sam, e, mayaman, ako dito mahirap lang. Mayaman din po si Paulo, pero siya yung mas mabait sa kanila, ayaw kasi ni Sam sa akin,” kuwento ni Angge.
Sa susunod na Lunes, Enero 28 na mapapanood ang Kahit Konting Pagtingin bago mag-TV Patrol, ito ang papalit sa Aryana.
At kung panay ang tawa ng entertainment press kay Angeline Quinto ay ganito rin ang naramdaman ni Sam Milby sa mga pinagsasabi ng leading lady niya lalo na sa sinabi ni Angge na lasang imported ang halik niya.
Natatawang sabi ni Sam, “Lasang imported pala ako!” Ayon kay Sam, hindi naman daw porket imported ay okay na, “Pero depende kung saan in-import.
Kasi minsan, puwedeng ano, puwedeng ‘yung import, galing China or import galing sa kung anong bansa, di ba?”
Siguro raw kaya nasabi ‘yun ni Angeline ay dahil nagkaroon na rin sila ng kissing scene noong gawin nila ang MTV ng singer-actress, “Actually, ‘yung MTV na ‘yun, never lumabas, du’n ako nag-guest.
Meron din kaming kissing scene doon actually, pero hindi lumabas. So, hindi ito ang first kissing scene naming.”
At sa tanong sa aktor kung anong masasabi niya kay Angeline na nakatikim ng halik niya? “Ang masasabi ko, good kisser din siya, e, good kisser din siya.”
Samantala, muling nabanggit ni Sam na abut-abot ang pasasalamat niya sa blessings niya ngayong 2013 dahil hindi na siya makahinga sa rami ng trabaho, “Sobrang busy itong 2013, so sobrang masaya, sobrang thankful sa lahat ng nangyayari sa buhay ko ngayon.”
Gagampanan ng aktor ang karakter na Adam Ledesma at kapatid niya sa kuwento si Paulo bilang si Lance Ledesma, “Si Lance yung easy-going, magaling mag-connect sa mga tao.
Ako yung talagang istrikto, ako yung kailangang perpekto ang lahat, hindi puwedeng magkamali.
“So medyo may distance din ako sa mga tao kasi pag nagkakamali ang mga tao.
Parang basta puro work, work lang talaga ako.
Ganoon ako, e. Wala akong buhay in terms of gimik, basta trabaho lang talaga,” pagdedetalye ni Sam sa kanyang role.
At nabago raw ang pananaw niya sa buhay nang makilala niya si Angeline bilang si Aurora na isang konduktora ng bus.
Puring-puri nga ni Sam ang leading lady niya, “Nasasanay na siya (taping), and she’s learning very, very well, especially being a singer.
Yung tapings namin, tapos may ASAP pa siya, pero kita ninyo naman, ganoon pa rin ang boses niya,” kuwento ng binata.