BINIGO ng Meralco Bolts ang NLEX Road Warriors, 104-97, kagabi sa Smart Araneta Coliseum para umusad sa semifinal round ng 2016 Oppo PBA Commissioner’s Cup.
Siniguro ng Bolts na hindi masasayang ang twice-to-beat advantage nito kontra Road Warriors nang burahin nito ang 84-75 kalamangan ng NLEX sa fourth quarter.
Namuno sa rally ng Meralco si Reynel Hugnatan na tumira ng 10 puntos sa final period. Tinapos niya ang laro na may 20 puntos at pitong rebounds off the bench.
Tinulungan siya ni Chris Newsome na ikinalat ang pito sa kanyang 15 puntos sa naturang quarter.
Humugot din siya ng walong rebounds at nagbigay ng apat na assists.
“If you told me that we would be the first to advance to the semifinals at the start of the conference, I would’ve not believed in you. But it’s been a nice ride so far, and I feel very fortunate,” sabi ni Meralco head coach Norman Black.
“Hopefully, we can continue to improve, get better and get farther this conference.”
Nagdagdag naman ng 19 puntos at siyam na rebounds si Cliff Hodge habang si Jared Dillinger ay umiskor ng 18 para sa Meralco.
Makakasagupa ng Meralco sa best-of-five semis ang mananalo sa pagitan ng Tropang TNT at Alaska.
Gumawa naman ng 38 puntos ang import ng NLEX na si Al Thornton ngunit kinapos pa rin ito para maagaw ang panalo sa Meralco. Mayroon din siyang 14 rebounds.
Si Garvo Lanete naman ay nag-ambag ng 21 puntos, kabilang ang apat na tres, para sa Road Warriors.