Brgy. Chair tinumba

BUKIDNON
Patay ang isang barangay chairman nang pagbabarilin ng mga di pa kilalang salarin sa Valencia City, Bukidnon, Linggo ng hapon.

Ikinasawi ni Alexander Dao-ayan, 48, chairman ng Brgy. Kahaponan, ang mga tama ng bala sa ulo’t katawan, ayon sa ulat ng Bukidnon provincial police.

Naganap ang pamamaril dakong alas-2 ng hapon sa bahagi ng Provincial Road na nasa Purok 3, Brgy. Batangan.

Tumatawid ng kalsada si Dao-ayan nang buntutan at paputukan nang tatlong beses ng di kilalang lalaki, ayon sa ulat.

Matapos iyo’y malbilis na naglakad ang gunman patungo sa isang nakaabang na motorsiklo, na minaneho naman ng isa ring lalaki patungo sa kanlurang bahagi ng lungsod.

Isinugod pa ng mga residente si Dao-ayan sa Laviña General Hospital, ngunit idineklara siyang patay ng doktor.

Nakatagpo ang mga rumespondeng pulis ng tatlong basyo ng kalibre-.45 pistola sa crime scene.

Inaalam pa ng mga imbestigador ang pagkakakilanlan at motibo ng gunman at kanyang kasabwat.

Read more...