Satisfaction rating ni PNoy bumaba
Bumaba ng net satisfaction rating ni Pangulong Aquino, ayon sa first quarter survey ng Social Weather Station.
Sa tanong kung nasisiyahan ba ang mga respondent o hindi sa pagganap ng tungkulin ni Aquino, sinabi ng 57 porsyento na sila ay nasisisyahan, mas mababa ito sa 58 porsyento naitala noong Disyembre at 64 porsyento noong Setyembre.
Nagsabi naman ang 30 porsyento na sila ay hindi nasisiyahan, mas marami sa 26 porsyento noong Disyembre at 22 porsyento noong Setyembre.
Ang net satisfaction rating ni Aquino ay 27 porsyento (satisfied minus dissatisfied). Noong Disyembre ito ay 32 porsyento at 41 porsyento noong Setyembre.
Ang hindi tiyak kung nasisiyahan o hindi ay 14 porsyento na kapareho noong Setyembre at mas mababa ng dalawang porsyento noong Disyembre.
Pinakamarami ang satisfied kay Aquino sa Visayas (69 porsyento) na sinundan ng Mindanao (58), Luzon maliban sa National Capital Region (54) at sa Metro Manila (43).
Pinakamarami naman ang dissatisfied sa NCR na naitala sa 44 porsyento. Sumunod ang iba pang bahagi ng Luzon *32), Mindanao (28) at Visayas (18).
Ginawa ang survey mula Marso 3 hanggang Abril 2. Kinuha ang opinyon ng 1,500 respondents. Unang nailathala ang resulta sa BusinessWorld ang media partner ng SWS.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
