Poe hindi nangampanya, nag-hot air balloon

poe1-0406 Nagpahinga kahapon sa pangangampanya ang presidential candidate na si Sen. Grace Poe. Pumunta si Poe sa Lubao International Hot Air Balloon Festival sa Pampanga kasama ang kanyang 11-taong gulang na bunsong anak na si Nica. “Merong festival ngayon, hot air balloon festival, Linggo, kahit paano kasama ko ‘yung anak ko. Matagal na niyang sinasabi gusto niyang makita ‘yon. Salamat naman at meron tayong mga kasama dito na nag-imbita rin sa atin para dumalo,” ani Poe. Pinagkaguluhan naman si Poe ng mga tao sa lugar at marami ang kinuha ang pagkakataon para makapagpalitrato sa kasama siya. “It’s just Sunday today. Medyo… Siyempre, anak ko masaya na kasama ako,” ani Poe. “So ‘yung konting pagkakataon na meron kami masaya na rin kaming pamilya.” Sumakay si Poe at Nica sa isa sa mga hot air balloon sa lugar. Hindi naman nagsalita si Poe sa entablado upang ilatag ang kanyang plataporma sa mga tao sa lugar. “Right now, I’m not campaigning but masaya ako na ‘yung ating mga kababayan, siyempre, nakakadaupang-palad natin. Kahit naman saan tayo pumunta, lalo na ngayon na kampanya kahit sa mall sa Linggo… Lahat ‘yan ay pagkakataon rin ng ating mga kababayan na makita tayo at makita ko rin naman sila; at may mga iba rin nagpapahayag kung anong mga gusto nilang makita sa ating bansa sa mga darating na taon,” ani Poe. Tatlong linggo na lamang ang nalalabi bago ang halalan sa Mayo 9. Kahapon ay sinamahan si Poe ni Pampanga Vice Gov. Dennis Pineda, anak ni Gov. Lilia Pineda na nauna ng nagpahayag ng suporta kay Mar Roxas.

Read more...