ABL champion Westsport KL Dragons lalahok sa PBA D-League

LALAHOK ang ASEAN Basketball League champion Westsport KL Dragons bilang guest team sa PBA D-League Foundation Cup na nakatakdang magsimula sa Mayo 15.

Ang pagsali ng Dragons ay suportado ng Blackwater ni Dioceldo Sy. Dadalhin ng Dragons ang produktong BluStar Detergent at ang unipormeng inisponsoran ng Rough Rider jeans.

“Ïn principle ay okay na ang pagsali ng BluStar sa Foundation Cup. Babalik lang naman kami,” ani Sy. “Äng pinaplantsa na lang ay ang mga Filipino imports ng Dragons who are Fil-foreigners. Hindi kasi sila dadaan sa draft. But as guest team ay puwede naman. Hindi nga lang counted sa eligibility nila to move up to the PBA in the future ang stint nila sa Foundation Cup.”

“We are fielding the entire team that won the championship in the ABL. So, aside from the two Fil-foreigners, panay Malaysians na ang members ng team. We won’t be getting Filipino players kasi marami pa akong reserves na Malaysians, e,” ani head coach Ariel Vanguardia.

Ang mga Fil-foreigners ng koponan ay sina Matthew  Wright at Jason Brickman na pinarangalang Finals MVP ng nakaraang ABL tournament kung saan tinalo ng Dragons ang Singapore Slingers, 3-2.

Kabilang sa mga assistant coaches ni Vanguardia sina Lito Vergara at Justino Pinat.

Ang KL Dragons ay original member ng ABL at nakarating sa semifinals ng torneo mula noong 2009 subalit palaging nabibigong makaabot sa championship round.

Noong 2014 ay naigiya ni Vanguardia sa Finals ang Dragons subalit natalo sila sa Thailand. Ngayon ay nagawa nilang maisubi ang kanilang kauna-unahang titulo sa ABL.

Read more...