Bongbong iniwan na sina Chiz, Leni

TIYAK na sobrang dismayado si Pangulong Aquino dahil sa kabila ng lantarang pagkampanya niya laban kay Sen. Bongbong Marcos ay patuloy na tumataas ang rating nito sa iba’t ibang survey at ngayon nga ay nangunguna na sa pinakahuling survey ng Pulse Asia at Social Weather Stations (SWS) para sa pagkabise presidente.

Buti at wala namang sakit sa puso si PNoy dahil kung hindi ay baka atakihin siya sa pagkadismaya sa pag-arangkada ni Bongbong.

Base sa pinakahuling survey ng Pulse Asia na kinomisyon ng ABS-CBN, 28% ang iskor ni Bongbong, 22% si Camarines Sur Leni Robredo, 21% naman si Sen. Francis “Chiz” Escudero.

Base naman sa resulta ng pinakahuling survey ng SWS, na kinomisyon ng pahayagang Business World, si Bongbong ay nakakuha ng 26%, si Chiz ay 21%, at si Leni naman ay 19% ang iskor.

Makikita sa dalawang survey na nagpalitan lamang ng puwesto sina Chiz at Leni, samantalang numero uno si Bongbong sa parehong survey.

Ang malinaw din sa mga survey ay lumayo ang agwat ni Bongbong sa kanyang dalawang katunggali.
Kung magpapatuloy ang pag-angat ni Bongbong sa mga survey hanggang sa eleksiyon sa Mayo 9, ay tiyak na si Marcos ang magiging bagong bise presidente ng bansa sa Hunyo 30.

Bakit biglang sumipa pataas si Bongbong at dumausdos si Leni, lalo na si Chiz?

Malinaw kasi ang posisyon ni Bongbong sa mga isyu, kabilang na ang kanyang paliwanag kaugnay ng martial law noong panahong ang kanyang yumaong amang si dating pangulong Ferdinand Marcos.

Nauunawaan at tumatagos sa puso ng mga mamamayan ang kanyang posisyon at paliwanag sa mga isyu.

Hindi rin siya naninira ng iba at nambobola para lamang bumango ang pangalan, hindi tulad nina Escudero at Robredo.

Kaya’t hindi nakakapagtaka na mas marami ang pumipili kay Bongbong sa kabila ng kampanya laban sa kanya.

Maraming naniniwala at nakukumbinsi si Bongbong sapagkat ang Ilocos Norte na balwarte nila ay tunay na maunlad.

Nangangahulugang mahal na mahal ng mga Marcos ang kanilang lalawigan at hindi rin kapangyarihan at puwesto ang habol nina Bongbong at Ilocos Norte Gov. Imee Marcos.

Taliwas kasi sa nagawa ni Bongbong, wala kasing maipakita si Chiz na ebidensiya at maipagyayabang man lamang sa kanyang mga kababayan sa Sorsogon, na sa kabila ng 30-taon panunungkulan ng pamilya Escudero sa lalawigan ay isa pa rin ang Sorsogon sa pinakamahirap na lugar ngayon sa Pilipinas.

Wala rin namang maipagmamalaki si Leni Robredo kundi ang kokonting nagawa ng kanyang asawang si Jessie sa Naga City at Department of the Interior and Local Government (DILG).

Kung siya lang ay wala pa talagang nagawa. Kahit ang asawa niya ay hindi rin naging matagumpay para labanan ang talamak na katiwalian sa DILG at Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at Bureau of Fire Protection (BFP). Hindi rin napahinto ni Jessie ang jueteng.

Ito ang dahilan kung bakit hindi umarangkada ang rating nina Chiz at Leni sa survey ng Pulse Asia at SWS.

Taliwas naman ito sa kaso ni Bongbong na talagang naniwala at bumilib ang napakaraming tao.

Read more...