2 Philippine junior record nabura sa 2016 Palarong Pambansa

LEGAZPI City — Dalawang bagong national junior record ang naitala rito habang agad isinukbit ng National Capital Region (NCR) ang overall championship kahit mayroon pang natitirang isang kumpletong araw sa kompetisyon sa ginaganap dito na 2016 Palarong Pambansa sa iba’t-ibang lugar sa Albay.

Nagtala ng bagong Palaro rekord sa secondary girls high jump si Cherry Mae Banatao ng Region II sa pagtalon sa taas na 1.66 metro upang tabunan ang dating rekord ni Maureen Emely Schrijvers ng NCR na 1.62m.

Ang tinalon ni Banatao ay pumantay sa national junior record na itinala ni Aprilen Laudencia noong 2012 UAAP at ni Angelica Janda na nagawa nito noong 2014 Philippine National Games.

Isa rin bagong national record ang oras ng natatanging nagtala ng dalawang bagong rekord sa athletics na si Mea Gey Niñura ng DavRAA na unang binura ang rekord sa 3,000m run sa itinala na 10:03.4 na tumabon sa dating rekord ni Jie Ann Calis ng Region 10 na 10:10.06 noong 2015 Palaro.

Tinabunan ni Niñura ang dating rekord ni Rosalinda Catulong na 10:09.50 na naitala noong 1980 National Open na ginanap sa Marikina City.

Binura rin ni Niñura ang dating rekord sa 1,500-meter run sa itinala nitong mas mabilis na tiyempo na 4:39.46. Tinabunan nito ang dalawang taon na rekord ni Calis na 4:44.4 noong 2014.

Napabilis naman ni Calis ang kanyang mga oras sa 1,500m (4:42.81) at 3,000m (10:07.8) subalit nagkasya lamang parehas sa pilak.

Samantala, pinalobo ng perennial titlist NCRAA sa inuwi nitong kabuuang 61 ginto, 36 pilak at 28 tanso ang mga napagwagiang medalya mula sa 22-15-12 sa elementarya at 39-21-16 sa sekondarya upang agad na siguruhin at idagdag sa listahan nito ang unang pagsasagawa ng torneo sa lugar ng Bicol.

Nasa ikalawang puwesto ang Region IV-A STCAA na may 29 ginto, 24 pilak at 32 tanso habang ikatlo ang Region VI-WVRAA na nagwagi ng 26 ginto, 24 pilak at 24 tanso. Nasa ikaapat ang nagpapakitang gilas na Region X-NMRAA (20-18-31), ikalima ang bagong tatag na NIRAA (16-16-26) at Region XII-SRAA (15-11-17).

Kabuuang anim ang nakagawa ng rekord sa athletics habang tatlo naman sa swimming. Inaasahang madadagdagan ang rekord sa huling araw ng kompetisyon ng dalawang sports na isasagawa habang isinusulat ito.

Nagtala rin ng bagong rekord sa secondary girls high jump si Cherry Mae Banatao ng Region II sa pagtalon sa taas na 1.66 metro upang tabunan ang dating rekord ni Maureen Emely Schrijvers ng NCR na 1.62m.

Nabura rin ang rekord sa elementary girls 200m sprint sa itinakbo ni Angel Dain Pranisa ng Negros Island Region na 26.15 segundo upang burahin ang dating rekord ni Schrijvers ng NCR na 26.7 segundo.

Unang nagtala ng bagong rekord sa elementarya sina Jerick Mendoza ng STCAA (57.50m), Jan Mervin Francisco ng STCAA (54.15m) at Melvin Lacson ng host BRAA (51.92m) na pare-parehas tinabunan ang dating rekord ni Jonah Robles ng STRAA na 51.88m na itinala noong 1998 sa javelin throw.

Nagtala rin ng bagong rekord sa secondary boys 100-meter dash si Feberoy Kasi ng SRAA sa tinakbo nitong tiyempo na 10.74 segundo upang tabunan ang dating rekord na 10.8 ni Jomar Udtohan ng NCRAA noong 2014.

Nagtala naman ng rekord sa swimming si Maurice Sacho Ilustre sa secondary boys 100m freestyle na una sa heats (54.41s) at sa finals (54.15s) bago tinulungan ang NCR sa pagtatala ng bagong rekord sa 200m freestyle 4x50m relay kasama sina Jexter Jansen Chua, Jerard Jacinto at Miguel Barlisan sa 1:41.54.

Binura nito ang dating rekord na itinala nina Marco Daniel Callanta, Jose Mari Arcilla, Jose Gabriel Laviña, Joshua Casino ng Calabarzon na 1:42.11 noong 2015.

Read more...