Trabaho di sementeryo – Grace Poe

HINDI mahihirap ang dapat na patayin, kundi ang kahirapan.
     Ito ang sinabi ni Sen. Grace Poe sa kanyang pangangampanya Huwebes ng gabi sa Baseco  na mistulang parinig sa kalaban niyang si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na inaakusahan ni Vice President Jejomar Binay na mga mahihirap lang ang kaya niyang patayin.
     Sinabi ni Poe na ang ugat ng kriminalidad at korupsyon ay ang kahirapan na dapat umanong mabilis na masolusyunan.
     Ayon kay Poe marami ang napipilitang gumawa ng krimen dahil sa kahirapan.
     “Alam ko, gusto ninyong maging ligtas ang inyong pamilya. Pero mga kababayan, ang pinakaproblema natin ay kahirapan, hindi ba? Ang kahirapan ang puno’t dulo ng problema kaya kumakapit tayo sa patalim, hindi ba? Mga kababayan, hindi po ang mahirap ang dapat ating patayin kundi ang kahirapan. Hindi po ang mga gutom ang kailangan nating barilin, kung hindi ang kagutuman” ani Poe.
     Nangako si Poe na lilikha ng mahigit 1 milyong trabaho kada taon ang kanyang administrasyon.
     “Lahat tayo, ang problema ay kahirapan. Kaya kailangan ‘yung mga programang diretso sa tiyan ninyo, diretso sa bulsa ninyo ang tututukan ng susunod na pangulo, at ‘yan ay ipinapangako ko sa inyo.”
     Nangako rin siya na ipagbabawal na ang ‘endo’ o End of Contract na ginagamit ng mga negosyante upang hindi magregular ng empleyado.
     “Titigilan na natin ang ‘endo’ kung saan gigising kayong hindi kayo sigurado kung meron pa kayong trabahong dadatnan o wala, na ‘pag kayo ay lumagpas ng isang edad, hindi na ninyo alam kung kayo ay kukunin pa o hindi. Bawal na ang diskriminasyon sa trabaho,” dagdag pa ng senadora.

Read more...