Anak ni Alvin Patrimonio gustong magbalik sa showbiz
NAGKITA kami ni Alvin Patrimonio, ang kanyang misis na si Cindy Conwi at ng guwapo nilang anak na si Angelo nu’ng nanood kami ng laban ng Ginebra sa Araneta Coliseum.
Malayo pa lang sila ay marami nang basketball fans ang kilig na kilig kay Alvin, wala pa ring kupas ang karisma ng magaling na basketbolista, hindi rin nagpapahuli ang kilig ng mga bagets kay Angelo.
Sayang ang kaguwapuhan at tindig ng katawan ni Angelo, sana’y magkaroon siya ng pagkakataong makabalik sa pag-aartista, sana’y mapansin siya ng mga networks ngayon para mapakinabangan ang kanyang kaguwapuhan.
Dati nang artista si Angelo, hindi lang namin alam kung ano ang dahilan kung bakit siya biglang nawala sa sirkulasyon, pero nang tanungin namin ang binata ay walang kagatul-gatol niyang sinabi na gusto niyang mag-artista uli.
“Drama ang gusto niya,” sabi ni Cindy. Usung-uso ang mga serye ngayon, puwedeng subukin ng mga istasyon kung may ibubuga nga sa pag-arte ang guwapong anak nina Alvin at Cindy, sa itsura ni Angelo ay wala nang problema.
Sa basketball din nalilinya si Angelo at ang kanyang mga kapatid namang babae ay kilalang-kilala na sa mundo ng tennis. Manang-mana kay Alvin ang kanilang mga anak na batambata pa ay namulat na sa mundo ng sports.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.