BUMIDA ang star trio ng Far Eastern University Tamaraws na sina Mac Belo, Mike Tolomia at Roger Pogoy sa overtime para ihatid ang Phoenix-FEU Accelerators sa panalo kontra Café France Bakers, 88-81, at mahablot ang kampeonato ng 2015-16 PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
“That’s what we always teach them—you can’t give up,” sabi ni Phoenix-FEUcoach Eric Gonzales matapos na ang Accelerators ay makabangon mula sa 11-puntos na paghahabol sa second half ng winner-take-all Game 5.
Nagsanib sina Belo, Tolomia at Pogoy sa lahat ng 14 puntos ng koponan sa overtime kung saan nagsagawa ang Accelerators ng 10-4 ratsada para makuha ang 84-78 bentahe papasok sa huling dalawang minuto ng laro.
“Sanay na sa bakbakan,” sabi ni Gonzales patungkol kina Belo, Tolomia at Pogoy, na inihatid ang FEU sa korona ng UAAP Season 78 men’s basketball noong Disyembre.
Si Belo, na pinamunuan ang koponan sa kinamadang double-double na 25 puntos at 13 rebounds, ay naghulog ng apat na diretsong puntos para pangunahan ang matinding panimula ng Accelerators sa overtime bago naghulog sina Tolomia at Pogoy ng back-to-back triples para sa 84-78 kalamangan.
“All our hard work paid off,” sabi ni Belo, ang tinanghal na conference Most Valuable Player, na muling nakaiskor para palawigin ang kalamangan ng Accelerators, 86-78, may 55 segundo ang natitira sa laro.
Nagtapos si Tolomia na may 15 puntos, pitong rebounds at tatlong assists habang si Pogoy, na bumitaw ng game-winning shot sa Game 3, ay kumulekta ng siyam na puntos, pitong rebounds at siyam na assists.
May tsansa sana ang Bakers na masungkit ang ikalawang sunod na korona sa regulation subalit sumablay ang running shot ni Paul Zamar para matapos ang ikaapat na yugto sa tablang iskor na 74-74.
“We were all tired, but we said we can’t give up now,” sabi pa ni Gonzales.
Si Zamar, ang tanging manlalaro ng Bakers na umiskor sa overtime, ang nanguna sa koponan sa kinamadang 20 puntos.
Napag-iwanan ang Accelerators ng 11 puntos, 50-39, bago nagtulungan sina Belo, Raymar Jose at Russel Escoto para magsagawa ng matinding arangkada sa ikatlong yugto.