Tamad at bobo

TAYO ay tinatawag na maging bayani ng bayan, o ng simbahan. Tumutugon sa pangangailangan ng nagugutom, nasusugatan at namatayan. Nagsisilbing tapat, hindi nang-iiwan. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Gawa 8:1b-8; Slm 66:1-3a, 4-5, 6-7a; Jn 6:35-40) sa ikatlong linggo ng Pasko ng Pagkabuhay.

Patapos na ang termino ng Ikalawang Aquino ay hindi pa ito tumutulong sa nagugutom, sugatan at namatayan. Bagkus ay iniiwanan niya ang mga ito, magsasalita pagkalipas ng tatlong araw at kung kumibo man, o tumugon, pagkalipas ng tatlong araw, ay may pangungutya pa’t paninisi. Boy sisi.

Bukod sa bobo ang mga opisyal ng AFP, pulpol din ang kanilang intel. Ang Tipo-Tipo, Basilan ay hindi Al Barka, na marami ang lihim na mga sulok. Marami na rin ang bakbakan na naganap sa Tipo-Tipo, bago pa man ibaba ang martial law. Mistulang tinambangan ang mga sundalo dahil sa kahinaan ng intel ng mga opisyal. Di rin nagamit ang PAF air assets dahil ang mga Moro ay may riple na ang killing distance ay dalawang kilometro. Nasaan ang fighter jets kuno?

Napakamalas naman ng Pilipinas. Tamad ang pangulo at bobo ang mga opisyal ng AFP. Nagkaroon din naman ng bobong pangulo at hukbo ang US at iyan ay nabisto sa gera sa Vietnam. Pero, hindi naman tamad ang pangulo ng US. Masipag siya kaya agad na inilatag ang pag-atras ng lahat ng puwersa. Nailigtas ang bansa at nakabangon.

Tama si Aggie Sec. Proceso Alcala nang sisihin niya ang NPA sa naganap na Kidapawan massacre. Nang dahil sa NPA, ang mismong lalawigan ni Alcala, ang Quezon, ay hindi na umunlad (milyahe ang agwat ng Cavite, na noong panahon ni Johhy Remulla ay “zero NPA”). SMS (sa madaling salita), si Alcala ay humuhugot lang sa kanyang karanasan.

Sa mga talumpati ni Grace Poe sa kanyang paglilibot, nitong mga huling araw, di na niya binabanggit si FPJ. Ang madalas banggitin, at binabanatan pa, ay sina Jejomar Binay, Rodrigo Duterte at Mar Roxas. Nagbago ng diskarte si GP, pagkatapos na di nakatulong sa kanya ang SC at si Aquino.

Pagkatapos ng eleksyon ihahayag ng isang abogado-politiko ang mga pangalan ng mga kongresista’t senador na “binuhusan” ng PDAF ng Malacanang para lamang mapatalsik si Renato Corona sa kasong hindi naman impeachable. Meron din daw (mga) taga-media na inginudngod si Corona para magmukha siyang masama. Naulingan din ang mga taga-media ng “special fund.”

Sina Jejomar Binay at Bongbong Marcos lang ang dinagsa nang magsalita sila sa Bagong Silang, Caloocan, ang pinakamalaking barangay sa bansa, na hanggang ngayon ay ayaw maghatid ng mga pasahero ang mga taxi driver mula sa kanilang pila sa Fairview Terraces, Robinsons Nova at SM Fairview, araw man o gabi. Ang pinakanilangaw ay sina Antonio Trillanes at Leni Robredo. Di nila kayang bolahin ang mahihirap.

MULA sa bayan (0916-5401958): Tugon kay Texter …8996, ng Roxas City, Mindoro: kailanman ay di ako naghayag ng aking saloobin, o nag-interpret, ng Ebanghelyo. Wala akong karapatan at authority diyan. Ang Pagninilay ay di mula sa akin, sa kabuuan. Ito’y ang Pagninilay ng militanteng mga pari sa Diocese of Malolos, mula sa kanilang araw-araw na misa, na dapat ipabatid sa nakararami, sa mga Bandera readers at loyalists (hello sa mga paring Passionist sa GenSan, ang tinutulungan ni Melai Cantiveros mula sa kanyang di kalakihang kita).

Saan mabibili ang murang bigas na sinasabi ni Sharon Cuneta? …3452

Read more...