Dominic, Bianca nag-iiyak sa presscon ng ‘Super D’

dominic ochoa

BUMAHA ng luha sa nakaraang presscon ng bagong fantasy series ng ABS-CBN na My Super D.
Nag-iyakan kasi ang ilan sa cast members ng show, partikular na sina Sylvia Sanchez, Bianca Manalo at Dominic Ochoa.

Naging emosyonal ang mga ito nang ibahagi sa press ang hindi malilimutang alaala nila sa kanilang mga ama. Hindi napigilan ni Dominic na siyang gaganap na Super D sa serye ang mapaluha nang makita ang litrato ng kanyang tatay malaking LED screen sa stage.

Talagang hagulgol ang Kapamilya actor habang nagkukuwento tungkol sa kanyang tatay. “We didn’t expect that there was a video of our dads. Sabi nga ni Tito Nonie (Buencamino) napindot ang button kung saan tayo medyo sensitive but in a way it’s remembering our dads and what they’ve done for us,” ani Dominic.

Damang-dama rin ng mga nasa presscon ang sakit ng iyak ni Bianca nang mapag-usapan na ang kanyang ama na namayapa na kamakailan lamang at katatapos lang din daw ng kaarawan nito. “Ako po kasi ang daddy’s girl.

Lagi niya tinitiis lahat para sa pamilya up to the last minute of his life gusto niya siya pa rin. Ayaw niya maging burden sa amin, kaya hindi niya sinabi na may sakit siya,” kuwento ni Biacan habang umiiyak.
“Hindi niya sinabing may nararamdaman na pala siya.

Pina-autopsy pa naming katawan niya para lang malaman bakit, paano siya namatay. Ginawa niya lahat para sa pamilya namin. Ayaw niya siguro niya kaming makitang malungkot or nagsa-suffer, masayahin siya, e,” sey pa ni Bianca.

Dugtong pa ng dalaga, “Yung daddy ko ang nag-train sa akin sumagot ng question and answer. Hindi ko alam kung bakit kapag nanonood siya ng Miss Universe tatawagin niya ako, ‘dito ka, you watch it.’ ‘Tas kapag Q&A na, sumasagot na ‘yong kandidata hinihinaan niya ‘yong volume tapos sabihin niya, ‘how do you answer that?’ So nagtataka ako, bakit kaya? ‘Yon pala, gusto niya rin ako.”

Mas lalo pang naiyak si Bianca nang ikuwento niya ang naging mensahe sa kanya ng ama nang manalo siya bilang Bb. Pilipinas-Universe noong 2009, “Hindi raw niya alam ano nagawa niya dati bakit nagkaroon siya ng mga anak na tulad namin.”

At ngayong wala na nga ang tatay niya, siya na ang nagte-train sa kanyang nakababatang kapatid na isa sa mga kandidata sa Bb. Pilipinas 2016. Mapapanood na ang My Super D ngayong darating na Lunes, April18 sa ABS-CBN bago mag-TV Patrol sa ilalim ng Dreamscape Entertainment TV.

Ang My Super D ay kwento ng kabayanihan na magpapatunay na kahit ordinaryong tao, maaaring maging superhero basta’t gamit ang kapangyarihan ng pagmamahal. Gaganap si Dominic bilang si Dodong, isang security guard na lubos na iniidolo ang yumaong superhero na si Super D (Richard Yap) at laging handang sumaklolo sa mga taong nangangailangan.

Ang anak naman niyang si Dennis, na gagampanan naman ni Marco Masa, ay namulat sa isang masayang pamilya at namana ang pagiging matulungin ng kanyang ama. Ngunit dala ng sobrang pagiging matulungin ni Dodong, hindi maiwasan na unahin nito ang kapakanan ng iba at maging palpak pagdating sa kanyang sariling pamilya.

At nang makulong nga ito matapos ang isang construction accident, nagpasya ang kanyang asawang si Nicole (Bianca Manalo) na iwanan na si Dodong at mag-isang itaguyod si Dennis. Sa kanyang paglabas sa kulungan, mamamasukan si Dodong bilang stunt double ni Tony (Marvin Agustin), isang aktor sa isang children’s show at karibal niya kay Nicole.

Dito niya rin makikilala si Pablo Mateo (Nonie Buencamino), ang writer ng palabas at kaibigan ng kanyang yumaong iniidolong superhero. Sa pagkamatay ni Super D, naging misyon ni Pablo na hanapin ang taong karapatdapat na pumalit sa superhero, at nakita niya ito kay Dodong.

Kaya naman nang ma-kidnap si Dennis, hindi nag-atubili si Pablo na tulungan si Dodong hanapin ang Blue Gem upang ganap na maging si Super D. Dito mag-uumpisang sugpuin ni Dodong bilang Super D ang mga krimen upang mapanatili ang katahimikan at kaligtasan ng mga mamamayan.

Kasama rin sa cast sina Ronaldo Valdez, Jason Francisco, Jayson Gainza, Marina Benipayo, Atoy Co, Myrtle Sarrosa, Jef Gaitan, Louie Domingo at Bong Regala, sa direksyon nina Frasco Mortiz at Lino Cayetano.

Read more...