DAPAT baguhin ng Armed Forces of the Philippines o AFP ang kanilang taktika dahil palagi silang natatalo ng mga kalaban ng gobyerno.
Nakita ang kakulangan ng taktika o gulang ng AFP nang napatay ang 18 sundalo at nasugatan ang 56 iba pa sa pakikipaglaban sa Abu Sayyaf, isang grupo ng mga bandidong Moro.
Sampung oras ang sagupaan ng mga sundalo at Abu Sayyaf sa Tipo-Tipo, Basilan.
Anong nangyari sa maneuvers na napag-aral ng mga sundalo sa training?
Sa ganoong katagal na oras na labanan pabor na pabor sana sa mga government troops dahil may mga helicopters at eroplanong pang-giyera ang kanilang panig.
Bakit walang dumating na air cover para sa mga sundalong inambus ng Abu Sayyaf?
Anong nangyari sa mga OV-10 propeller-driven fighters ng Philippine Air Force na dapat sana ay inistraf at binomba ang kinalalagyan ng mga kalaban?
Ang mga Huey helicopters, na armado ng machine gun sa magkabilang pinto, ay puwedeng lumipad ng mababa at inistraf ang puwesto ng Abu Sayyaf.
At ano naman ang nangyari sa 21 attack helicopters na binili ni Defense Secretary Voltaire Gazmin sa isang reputableng (kuno) US aircraft manufacturer, ang Rice Aircraft Services Inc o RASI?
Yung mga nasabing helicopter sana ay nagamit sa Basilan kung sila’y lumilipad.
Pero sa 21 helicopters, na nagkakahalaga lahat-lahat ng P1.2 billion, dalawa lang ang lumilipad.
Ang iba ay sira at walang piyesa.
Sayang lang ang perang ginastos sa kanila.
Sinampahan ni Secretary Gazmin ng kasong libel si Rhodora Alvarez, dating country representative ng RASI sa bansa, na nagparatang sa kanya at ibang opisyal ng Department of National Defense at Air Force na tumanggap ng 7-percent commission.
Panggigipit ang ginagawa ni Gazmin sa
pobreng whistleblower.
Gaya ng sinabi ko kanina, dalawa lang sa 21 helicopters na binili ng bansa sa RASI, ang lumilipad.
Sinabi ni Gazmin na walang nakitang iregularidad sa kontrata ng pagbili ng mga helicopters ayon sa imbestigasyon na kanyang (Gazmin) iniutos.
Siyempre, talagang walang nakitang kabulastugan ang mga imbestigador na mga tauhan mismo ni Gazmin.
Ang hirap kay Gazmin at mga ibang opisyal ng administrasyong Aquino, ang tingin nila sa taumbayan ay tanga.
Tatlong pulis, isa na rito ay may ranggong tinyente, ay nahuli ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil diumano sa pagkidnap, pagnanakaw at pagpatay ng isang babaeng negosyante.
Ang bangkay ng biktima, ang 50-anyos na si Adora Lazatin, ay natagpuang nakalagay sa drum na lulutang-lutang sa Pasig River .
Kinilala ng NBI ang opisyal ng pulisya na si Insp. Eljie Jacobe ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Ang pagkakasangkot ng mga pulis sa krimen—lalo na sa mga heinous crimes gaya ng kidnapping, murder, robbery at rape—ay pagkaraniwan na at hindi na nasa-shock ang taumbayan.
Bakit parang hindi na natitinag ang taumbayan? Dahil parang nagkakalyo na sila sa mga napakaraming ulat ng abusadong mga pulis.
Isa pa, alam ng taumbayan na patay-malisya ang gobyerno sa pang-aapi sa ordinaryong mamamayan ng mga taong dapat ay magprotekta sa kanila.
Lalo nang walang pakialam ang administrasyon ni P-Noynoy na kukuyakuyakoy.
Ang tingin ng mga pulis sa ating pangulo ay isang komedyano (clown sa Ingles), ayon sa dating columnist ng Manila Times na si Rick Ramos.
Iisa lang ang na makakapagpatino ng abusadong pulisya at yan ay si Davao City Mayor Rody Duterte.
Sa Davao City, nanginginig ang mga kriminal at abusadong pulis kapag narinig ang pangalang Digong Duterte.
Ang kinakatakutang Davao Death Squad (DDS), na sinasabing Duterte Death Squad pero hindi inaamin ni Digong (natural!), ay hindi nangingilala.
Pareho ang pagtrato ng DDS sa mga pusakal na kriminal at mga pulis na kriminal: Pareho silang sinasalvage.
Ang kailangan natin ay isang lider na may kamay na bakal at yan ay si Duterte.