Adobong Pula
Bawat tahanan sa Pilipinas ay may kanya-kanyang bersyon ng adobo. At tiyak, bawat isa ang pinakamasarap para sa kanya ay ang kinagisnang adobo.
Nakatikim ka na ba ng adobong pula? Kung hindi pa ay bakit hindi subukin ang handog naming resipe ngayong linggo.
Sangkap
½ tasa, mantikang pula (gawa sa atsuete)
1 kilong baboy (liempo at spare ribs)
1 kilong manok na hiniwa (adobo cut), kasama ang atay at balunbalunan
2 ulo ng bawang, pinitpit, binalatan at dinikdik
1 1/2 tasang toyo
2 1/2 tasang suka
2 kutsarang pamintang buo, bahagyang dinurog
6 na dahon ng laurel
1 kutsarang pamintang buo
Patis at paminta na panimpla
Paggawa
Ang sikreto ng masarap na adobo ay ang pagbabad nito sa suka at toyo at bago pa lamang lutuin ito.
Gumawa ng mantikang pula. Mag-init ng isang tasang mantika. Kapag mainit na ito, maglagay ng dalawang kutsara ng atswete. Hinaan nang bahagya ang apoy at halu-haluin ang atsuete at huwag pabayaang masunog ito. Kapag mapula na ang mantika, hanguin ang atsuete at itapon ito. Maaaring itago ang mantikang pula ng 24-na oras dahil madali itong maging maanta.
Sa isang malaking lalagyan, paghaluin ang suka, toyo at isang ulo ng bawang na pinitpit, binalatan at dinikdik. Ilagay ang pira-pirasong karne ng baboy at manok at halu-haluin ito at siguraduhin ang bawat piraso ng karne ay nahilamusan ng pinaghalong suka at toyo. Takpan at ibabad ito nang tatlong oras.
Matapos ang tatlong oras, alisin ang manok at baboy sa pinagbabaran, paghiwalayin ang baboy sa manok at ilipat sa malinis na lalagyan. Ilagay sa isang tabi ang pinagbababaran at huwag itong itapon.
Sa isang malaking kaldero, mag-init ng ¼ na tasa ng pulang mantika at igisa ng natirang ulo ng bawang.
Kapag nangangamoy na ito, sangkutsahin muna ang baboy hanggang magsilabasan ang mantika nito.
Alisin ang baboy sa kaldero at isunod ang manok. Sangkutsahin din itong mabuti. Ibalik ang baboy sa kaldero at ibuhos ang pinagbabarang suka at toyo, kasama ang dahon ng laurel at pamintang buo. Takpan ang kaldero at laksan ang apoy hanggang ito ay kumulo.
Kapag nagsimula na itong kumulo, hinaan ang apoy at pabayaan itong pasubuhin nang 45 minuto sa mahinang apoy.
vvv
Ang adobo, habang tumatagal ay lalong sumasarap. Minsan, inilalagay muna ito sa refri-gerator nang isang araw bago ito muling initin at kainin.
Kapag may naiwang adobo, maaaring himayin ang mga hibla ng manok at baboy at tustahin ito sa naiwang salsa at mantika. Patuyuin ang salsa nito upang maging malutong ito. Maaari itong ipinapalaman sa mainit na pan de sal.