SA nakalipas na mga araw ay hindi lamang mga kalaban sa pagkapangulo ang nakatikim ng mura kay Davao Mayor Rodrigo Duterte. Pati ang kontrobersyal na gobernadora ng Cotabato ay hindi nakaligtas sa mga masasamang salitang lumalabas sa kanyang bibig.
Bukod pa rito, laging ipinagmamalaki ni Duterte na ipapapatay niya ang mga sangkot sa kriminalidad.
Kung estilo man ito ni Duterte sa kanyang pamamahala sakaling manalo o gusto lamang magpasikat, meron taong dapat na ihambing sa kanya at ito marahil ay si Nazi German dictator Adolf Hitler.
Bantog si Hitler dahil sa milyon-milyong tao na ipinapatay niya noong World War II. Siya ang executioner ng mga Jew o mga Hudyo.
Sa gitna ng magulong pamahalaan at patuloy na kahirapan ng taumbayan, sinamantala ito ni Hitler upang maging lider at pamunuan ang Germany.
Sa pamamagitan ng kanyang Nazi Party, sinimulan ni Hitler ang kanyang kamay na bakal na pamamalakad at itinulak ang kanyang bansa para sumiklab ang Pangalawang Digmaang Pandaigdig.
Bagamat malayo kung ihahambing si Duterte kay Hitler, nakakabahala naman ang mga pahayag nito lalo na sa usapin ng pagsugpo sa krimen.
Tulad ni Hitler, walang paggalang si Duterte sa karapatang pantao.
Sabihin ba naman ni Duterte kailangang pumatay ng tao para lang masugpo ang krimen.
Hindi ba’t mismong sa bibig na rin ni Duterte lumabas sa isang panayam sa radyo na may tatlong katao na siyang napapatay na hindi malayong mababa pa ito sa aktuwal na bilang.
Sinabi pa ni Duterte na nais niyang maging weekly basis ang pagbitay sakaling maibalik ang death penalty.
Hindi ba’t ipinagmalaki pa ni Duterte na kikita ang mga negosyong funeral parlor dahil sa maraming mamamatay na kriminal?
Sabi pa ni Duterte tataba ang mga isda sa Manila Bay dahil maglulutangan ang mga pinatay na mga kriminal.
Kung ganito ang mangyayari, nasaan na ang rule of law?
Maging ang Amnesty International ay umalma na dahil sa mga extrajudicial killings sa Davao at hindi paggalang sa karapatang pantao ni Duterte.
Pati ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ay pumalag na rin at sinabing na isang porma rin ng korupsyon ang pagiging sangkot sa krimen.
Kung tunay ngang gagawin ni Duterte ang pagpatay ng walang pagsunod sa batas, baka malagpasan pa niya ang rekord ni Hitler.
Naturingang abogado si Duterte pero ang kanyang mga asta o ikinikilos ay parang hindi nakakaintindi sa proseso ng batas.
Dapat talagang maging matalino ang publiko at maging mapanuri lalo sa kanilang ihahalal sa Mayo 9.
Nakakatakot kung ibibigay natin ang ating bansa sa isang tao na tila uhaw na uhaw sa dugo at walang pagpipigil sa sarili sa pagpatay ng tao.
Maging mga tagasuporta ni Duterte ay nagiging repleksiyon din ng asal ng alkalde.
Bagamat nasa demokrasya tayo ay idinadaan sa pananakot ng mga supporter niya.
Sa social media nga ay umalma na ang publiko sa ginagawang pangha-harass ng kanyang mga tagasuporta kung saan binabantaan pa ng rape at mamatay ang mga sumasalungat kay Duterte.
Swerte lang si Duterte dahil maraming mga sawa na sa nangyayaring kriminalidad sa bansa kaya nakukumbinsi na siya ang suportahan.