Donaire handa na sa ‘mainit’ na laban kontra Bedak

NONITO DONAIRE

NONITO DONAIRE

HINDI ito ang unang pagkakataon na lumaban si WBO super bantamweight champion Nonito Donaire Jr. sa Pilipinas pero hindi maitago ang kanyang pagkasabik sa nalalapit na laban kontra No. 4 ranked Zsolt Bedak ng Hungary.

Gaganapin ang unang title defense sa hawak niyang korona sa Cebu City Sports Complex sa Abril 23.

“Iba ang pakiramdam kapag lumaban ka at nanalo sa harap ng iyong mga kababayan,” sabi ni Donaire na tinalo si Cesar Juarez ng Mexico noong Disyembre para makuha ang kasalukuyang titulo.

“I really feel I could win and I would love to win by knockout.”

Parehong may “killer” left hook sina Donaire at Bedak pero ayon kay The Filipino Flash, palakasan na lang sila ng suntok.

“We’re both hookers,” pabirong sabi ni Donaire.

Isa sa bentahe na nakikita ni Donaire sa labang ito ay ang kakayahan niyang lumaban sa mainit na klima.
Ang laban ay gagawin sa isa open air boxing ring sa gitna ng Cebu City Sports Complex.

“It’s summer and it’s going to be hot. That’s why I came here early so I can spar in the heat and figure out kung ano ang reaction ng katawan ko,” kuwento ni Donaire, na nakatakdang sumabak sa 10-round sparring session ngayon sa Elorde Gym.

Ang Donaire-Bedak fight ay ipalalabas sa ABS-CBN  sa Abril 24 alas-8:30 ng umaga at ABS-CBN Sports+Action umpisa alas-12 ng tanghali.

Unang lumaban sa bansa si Donaire pitong taon na ang nakararaan kontra Raul Martinez. Nasundan ito noong isang taon laban naman kay William Prado. Ang parehong laban ay ginanap sa Araneta Coliseum at parehong nanalo si Donaire ng TKO.

Read more...