PANGARAP din ni Dennis Trillo na maikasal pagdating ng panahon tulad ng karakter niya sa bagong serye ng GMA na Juan Happy Love Story opposite Heart Evangelista.
Naniniwala ang Kapuso Drama King na may nakalaan din sa kanya na isang babaeng makakasama niya sa kanyang pagtanda. Sa ngayon si Jennylyn Mercado ang sinasabing nagpapaligaya sa binata.
“Of course, of course,” sagot ni Dennis nang tanungin sa pocket presscon ng Juan Happy Love Story kung may plano rin siyang magpakasal.
“Pero siyempre ngayon, wala pa lang mga ganu’ng plano dahil para sa akin, hindi ko minamadali yung mga ganyang agay, dahil napaka-sacred nu’n.
“And talagang kapag nakapag-decide ka na ng ganu’n, there’s no turning back. Talagang desidido ka nang mangyari sa buhay mo ‘yun,” chika ng aktor.
May ideal age ba siya ng paglagay sa tahimik? “Wala, e. Ayokong i-pressure ang sarili ko, ayokong ma-stress kakaisip kung kailan ako ikakasal.
“Naniniwala lang ako na kapag naramdaman mo na yun, hindi mo na kailangan isipin kung kailan. Bugso yun, e, bigla mo na lang siyang mararamdaman,” hirit pa ng leading man ni Heart na 34 years old na ngayon.
“Pagdating sa marriage, ayoko kasing pilitin, e. Gusto ko mangyari siya naturally and, yun, sa tingin ko mas masaya siya kapag dumaan siya sa ganu’ng process,” dugtong pa niya.
Feeling ba niya si Jennylyn na ang kanyang forever? “Hindi ko masasabi ngayon, ayoko namang i-confirm. Pero ang masasabi ko lang, masaya kami pareho sa mga nangyayari sa buhay namin, personal at sa trabaho.”
Pero bakit hanggang ngayon ay hindi pa nila diretsong maamin ni Jennylyn na sila na? “Hindi lang kami yung ganu’ng klase ng tao.
“Mas gusto lang siguro namin tahimik, hindi masyado pinag-uusapan. Hinihiwalay namin yung trabaho sa personal,” aniya pa. Dugtong pa ni Dennis, “what you see is what you get” na lang.