NARINIG ng kaibigan ko si Sen. Grace Poe sa interview sa isang radio station na “babalikan” niya ang mga taong naging responsable sa pagkamatay ng kanyang ama, ang action star na si Fernando Poe Jr. kung siya’y mahalal na Pangulo.
Wala raw pinangalanang tao si Poe, pero natitiyak ang kaibigan ko na ang tinutukoy niya ay si dating Pangulo at nga-yon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.
Kung totoo ang na-rinig ng kaibigan ko, gagantihan ni Poe si GMA na tinalo ang kanyang amang si FPJ noong 2004 presidential election.
Maraming naniniwala na dinaya ni GMA ang eleksiyon dahil sa “Hello Garci” scandal kung saan nakapag-usap diumano si Gloria sa isang opisyal ng Commission on Elections sa resulta ng eleksiyon habang binibilang pa ang mga boto.
Pagpalagay na nating nandaya si GMA, hindi pa ba nasisiyahan si Poe na nakakulong ang dating pangulo at naghihintay ng paghuhusga ng hukuman sa mga kasong plunder at graft?
Isa pa, si FPJ ay namatay sa aneurysm, isang karamdaman mula sa pagkabata, at hindi pina-patay ni GMA.
Bakit sinisisi ni Poe si Gloria sa pagkamatay ni FPJ sa pagkatalo nito sa eleksiyon?
Grace Poe, makinig kang mabuti kung bakit tinalo ni GMA ang tatay mo.
Maaaring dinaya ng kampo ni GMA si FPJ sa Maguindanao pero hindi sa ibang parte ng Pili-pinas.
Iilan lang naman ang botante sa Maguindanao.
Malaki ang lamang ni GMA kay FPJ sa Cebu, isang vote-rich province.
One million votes ang nakuha ni GMA sa Cebu.
Bakit? Dahil marunong magsalita ng Bisayang Cebuano si GMA dahil nag-aral siya sa Iligan City noong bata pa siya. Ang salita sa Iligan ay Cebuano.
Isa pa, hindi marunong makihalubilo si FPJ sa mga tao noong siya’y nangangampanya. Either siya’y masyadong mahiyain or siya’y ma-tapobre.
Inaayawan ni FPJ ang mga taong gustong magpalitrato sa kanya. Gusto niyang mapag-isa at magpahinga pagkatapos ng mahabang araw ng kampanya.
Ilang beses na nagpakita ng galit si FPJ sa publiko sa mga taga media na nagko-cover ng kanyang kampanya. May pinahiya pa ngang broadcaster si FPJ sa entablado.
Ang kakaibang pag-uugali ni FPJ sa campaign trail, taliwas sa kanyang kabaitan sa pelikula, ay hindi lingid sa taumbayan.
Kahit na ang isang kaibigan ni FPJ na kasama niya sa kampanya ang nagsabi sa akin na natalo ang aktor dahil sa ipinakita niyang kasupladuhan sa mga taong gustong kamayan siya o magpa-picture sa kanya.
Sa kabilang dako, magaling sa pakikihalubilo sa mga tao si GMA dahil anak siya ng dating politician, si dating President Diosdado Macapagal.
Kahit na pagod na pagod si GMA ay ngiti pa rin ng ngiti ito at pinagbibigyan ang mga taong lumalapit sa kanya.
Isa pa, nakahalata ang taumbayan na hindi bagay si FPJ na maging Pangulo dahil hindi marunong magsalita sa entablado.
Walang maisagot na matino si FPJ sa mga reporters na nagtatanong tungkol sa kanyang plataporma.
Grace, huwag manisi ng taong walang kasalanan.
Wala ka naman dito noong nangangampanya ang tatay mo. Nasa America ka.
Bumalik ka na lang dito nang namatay na si FPJ.