Kawal patay, 1 pa sugatan sa NPA sa Occidental Mindoro

occidental mindoro
Isang sundalo ang nasawi at isa ang nasugatan nang makasagupa ng mga tropa ng pamahalaan ang New People’s Army (NPA) sa Paluan, Occidental Mindoro kaninang umagaumaga.

Ang dalawa ay kapwa miyembro ng Army 76th Infantry Battalion, sabi ni Lt. Col. Angelo Guzman, tagapagsalita ng AFP Southern Luzon Command.

Tumanggi muna si Guzman na pangalanan ang nasawi’t nasugatan hangga’t di naipapalam sa kanilang pamilya ang sinapit.

Naganap ang engkuwentro sa dakong alas-7:15.

Bunsod ito ng operasyong inilunsad ng 203rd Infantry Brigade kasunod ng mga ulat tungkol sa presensya ng mga rebelde, ani Guzman.

Habang isinusulat ang istoryang ito’y patuloy na tinutugis ng mga sundalo ang mga rebelde, at nagsasagawa ng checkpoint ang pulisya.

Nag-deploy na rin ng naval gunboats para harangan ang posibleng ruta ng mga rebelde palabas ng Mindoro at mga helicopter para suportahan ang ground troops, ani Guzman. (John Roson)

– end –

Read more...