IBA’T ibang problema ang kinakaharap ng mga kompanya sa ibayong dagat.
Ibang iba na nga ang panahon noon kung ikukumpara ngayon, sa kabila ng mabilis na pag-usad ng teknolohiya. Imbes na mapagaan ang buhay ay tipong lalo pang pabigat nang pabigat pa ang mga ito.
Tulad na lamang sa Europa, dahil sa patuloy na banta ng terorismo, marami na rin ang pinapayuhang sa kanilang mga tahanan na lamang magtrabaho. Nangangahulugan din ito ng posibleng pagbawas ng kanilang mga manggagawa sa patuloy na pagharap sa naturang krisis.
Maraming mga kumpanya din ang patuloy na nalulugi at kinakailangang magsara na lamang kung hindi na talaga kakayanin pang igapang ang kanilang mga negosyo.
Sa ibang mga bansa naman, hindi na kumukuha nang bagong mga manggagawa, kaya naman pumapayag na silang gawin ang trabaho ng dalawa hanggang tatlo katao huwag lamang silang alisin sa kumpanya.
Ngunit kung sakaling natanggal na talaga sa trabaho, hindi uuwi ng bansa ang ating OFW. Pipilitin niyang makahanap ng kapalit na trabaho upang patuloy na matugunan ang obligasyon sa pamilya sa Pilipinas.
Ngunit dahil sa mahirap din namang maghanap ng trabaho lalo na kung hindi na legal ang pananatili ng isang OFW doon, mabilis na maubos ang kaunting naipon, kung kayat nababaon pa ang mga ito sa utang.
Ang iba naman, sa halip na sila ang nagpapadala sa Pilipinas, sila pa ngayon ang pinadadalhan ng pera upang may maipangbayad sa kuwartong inuupahan, pangkain at pang-araw araw na gastusin, dahil umaasa rin kasi ang pamilya nito na mananatili pa rin siya sa abroad at makakahanap pa ng maayos na trabaho..
Hinding-hindi nila kailanman iniisip na maaaring mawalan sila ng trabaho. Hindi kasama iyon sa kanilang mga plano, kung kaya’t hindi sila nakahanda sa ganitong mga pagkakataon.
Ngunit walang katiyakan sa buhay. Walang kasiguruhan ‘ika nga. Sa panahon ngayon, sa halip na isipin ang kawalang hanggan, palaging ilagay sa isip na hindi garantiya ang kontratang napirmahan na palaging may trabaho at magtatagal sa abroad.